Matatagalan pa ang muling pagbabalik ng Philippine Basketball Association (PBA) training.
Itinakdang ang pagbabalik ng practice ng mga PBA teams sa Hulyo 22 subalit hindi na ito mangyayari sapagkat hinihintay pa ng liga ang paglabas ng Joint Administrative Order mula sa Games and Amusements Board, Department of Health at Philippine Sports Commission.
“I had a talk with (Nakipag-usap ako kay) Games and Amusements Board chairman Baham Mitra Thursday. He expects to get the administrative order this week (Inaasahang mailalabas ang administrative order ngayong linggo),” ani PBA commissioner Willie Marcial.
Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagbabalik ng team practices noong Hulyo 3 subalit nananatiling bawal ang pagdaraos ng workouts habang wala pa ang JAO.
Gayunpaman, hindi naman masyadong nababahala si Marcial ukol dito.
Aniya, “There’s a little delay but we’re positive we’ll go on with the training return (May kaunting pagkaantala subalit nananatili kaming positibo sa pagbabalik ng training)”.
Nagkaroon ng hiatus ang liga simula noong Marso 11 dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic.