Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko noong Hulyo 21 na ginagawa ng pamahalaan ang makakaya nito para sugpuin ang lalo pang paglaganap ng Covid-19 sa bansa.
Aniya, “Ang akin lang is if we can do it actually, we have to reduce it to the barest minimum (dapat nating pakontiin ito hangga’t maaari) na ano, ‘yung tao na hindi ma-ano”.
Nangako si Duterte habang patuloy ang pag-akyat ng Covid-19 cases sa bansa na pumalo na sa mahigit 70,000. Sinabi ng pangulo na nakaantabay ang administrasyon sa mga huling developments tungkol sa laban kontra Covid-19.
“My countrymen, we continue to meet regularly to talk about our problem. Perhaps, our number one problem today is [Covid-19]. I am as mad as you (Mga kababayan ko, regular kaming nagpupulong para pag-usapan itong problema natin. Siguro ang numero unong problema natin ngayon ay Covid-19. Pareho tayong galit. Galit ako, pareho tayo, sa nangyari”, giit ng pangulo.
Nalungkot naman ang Malacañang noong Hulyo 17 dahil sa pagkatotoo ng prediksyon ng University of the Philippines (UP) na aabot sa 60,000 ang Covid-19 cases sa bansa sa Hulyo 31.
Nagkatotoo ang prediksyon noong Hulyo 16 nang pumalo sa 61,266 ang bilang ng mga kaso. Dahil sa kasalukuyang transmission rate at doubling time, binago ng mga mananaliksik ang prediksyon nito at itinakda sa 85,000 cases sa dulo ng buwan.
Sa kanyang public address noong Hulyo 21, tinanong ni Duterte si Health Secretary Francisco Duque III kung kaya ba ng bansa na itest ang bawat mamamayan.
Sinabit naman ni Duque na walang ni isang bansa sa mundo ang nakagawa pa nito.
“Hindi naman po natin pwedeng i-test ang bawat mamamayan. Wala pong bansa ang nakakagawa nito, kahit na po ang pinakamayaman katulad ng United States of America,” giit ni Duque.
Gayunpaman, sinabi ng kalihim sa pangulo na target ng pamahalaan na magsagawa ng 10 milyong Covid-19 tests sa 2021.
May plano ring magsagawa ng 32,000 hanggang 40,000 Covid-19 tests bawat araw.
“Magiging mga 10 percent po tayo of the total population of the Philippines at 109 million (mula sa kabuuang 109 milyong populasyon ng Pilipinas), we might be able to reach about 10 million Filipinos [who will get tested for Covid-19] by 2021 (posible nating maabot ang 10 milyong tests para sa mga Pilipino sa 2021),” paglilinaw ni Duque.