Duterte: Mga alkalde, dapat mas paigtingin ang laban kontra Covid-19

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat mas paigtingin pa ng mga alkalde sa bansa ang pagtugon ng mga ito sa Covid-19 pandemic dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso.

Ipinahayag ito ni Duterte sabay pagdiin sa kahalagahan ng pagsusuot ng face masks at pag-obserba ng physical distancing.

Sinabi rin ng pangulo na posibleng imbitahin ang mga mayor sa isang pagpupulong kung mataas ang maitatalang bilang ng Covid-19 cases sa kanilang lokalidad.

Ayon naman kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, nakipagkita na siya sa mga alkalde at iba pang lokal na opisyal para talakayin ang isang uniform system para sa pagpataw ng parusa sa mga lalabag sa quarantine protocols.

Aniya, “Yung pagpapatupad po ng health standards, gusto namin magkaroon ng isang implementation lang po at pare-parehas sa bawat LGU”.

“Para kahit saan magpunta pare-parehas ang pagpapatupad. Ito po kasi ang pinaka-importante para ma-prevent ang pag-spread ng virus, magsimula sa pagsunod ng panuntunan ang bawat mamamayan,” dagdag pa ni Año.

Nanawagan naman si Duterte sa pulisya na maging mas strikto sa pag-implementa ng quarantine protocols sapagkat ang paglabag sa minimum health standards ay maituturing na “seryosong krimen” dahil sa estado ng bansa patungkol sa pandemiya.

Ang pag-aresto ng mga lalabag sa hindi pagsusuot ng face masks at pag-obserba ng physical distancing ay magtuturo aniya sa kanila ng mahalagang aral, ayon sa pangulo.

“Sino ba naman gustong mahuli ka? But if you are brought to the police station and detained there, that would give you a lesson for all time (Kung dadalhin ka at ikukulong sa kulungan, matuturuan ka ng leksyon),” giit ni Duterte.

LATEST

LATEST

TRENDING