Posibleng mas taasan pa ng Pilipinas ang bilang ng mga itetest sa populasyon kumpara sa bilang ng Estados Unidos, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Batay sa datos noong Hulyo 20, 1.120 milyong test na ang isinagawa ng mga awtoridad.
Nais namang itest ng Department of Health (DOH) ang 10 milyong katao sa susunod na taon, ayon kay Duque.
“Hindi naman po natin puwede i-test ang bawat mamamayan. Walang bansa po ang nakakagawa nito, kahit po ang pinakayaman tulad ng United States of America,” wika ng kalihim.
Ang US, na may pinakamataas na Covid-19 case count at death toll sa buong mundo, ay nakapagtest na ng 40 milyong katao o nalalapit sa 9 porsyento ng kabuuang populasyon.
“Malalagpasan po natin iyon. Magiging mga 10 percent po tayo of the total population of the Philippines at 109 million. We might be able to reach 10 million Filipinos by 2021 (Posible nating maabot ang 10 milyong Pilipino sa 2021),” ani Duque.
Ang pag-akyat sa bilang ng tests ay mahalaga habang patuloy ang mga awtoridad sa isinasagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng Covid-19 patients.
“In other countries they have this efficient iyong follow-up na contact tracing (Sa ibang bansa, mabilis ang kanilang follow-up na contact tracing),” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Dagdag pa ng pangulo, “Dito sa atin, mahirap but it can be done. But I said it’s a herculean task to do it (Hindi ito madaling gawin)”.