Matapos punain ang ilang kapwa artista dahil sa pananahimik nito sa ABS-CBN shutdown, nilinaw ng aktres na si Angel Locsin na maaaring makapagpahayag ng hinanaing ang mga tao nang hindi pumupunta sa rally.
“No one asked you to go to a rally (Walang nag-utos sayong pumunta sa rally),” ani Locsin sa kanyang Instagram Story noong Hulyo 20.
Dagdag pa niya, “But making up an excuse to save face at the expense of those who are fighting for their lives is purely disgusting (Subalit, ang gumawa ng dahilan nang hindi iniisip ang mga lumalaban para sa kanilang buhay ay nakakasuklam).”
Naging aktibo si Locsin sa paglahok sa virtual at pisikal na protesta para iapela ang renewal ng ABS-CBN simula noong ipinahinto ang operasyon ng network noong Mayo.
Nadismaya naman ang “Darna” star sa pananahimik ng kanyang kapwa artista na “nagpapacute lamang sa Instragram” aniya, habang wala na ang network na nagtaguyod sa kanilang mga showbiz career.
Isa lamang si Locsin sa dinamiraming nakilahok sa noise barrage sa labas ng ABS-CBN headquarters sa Quezon City noong Hulyo 18.
Isa naman sa mga artistang binasag ang katahimikan matapos ang apela ni Locsin ay si Jane Den Leon, na itinakdang gaganap bilang Darna sa series reboot nit sa network.
Ipinaliwanag ni De Leon na hindi siya sumama sa rally dahil sa banta ng Covid-19. Binanggit din ng aktres ang patuloy na pag-akyat ng mga kaso pati na rin ang kanyang pag-aalala sa mga frontliners na itinataya ang kanilang buhay upang sugpuin ang nakamamatay na sakit.
Umapela naman si De Leon sa ibang tao na huwag maging mapanghusga at iwasan ang pag-uutos nang aayon lamang sa pansariling paniniwala.
Matapos ang Story ni Angel, maraming netizens ang kumuwestyon kung si De Leon nga ang tinutukoy ni Locsin.
Inihambing si De Leon kay Locsin dahil sa kanilang pagkakaiba nang pananaw ukol sa ABS-CBN. Ilang fans ang nakaunawa sa posisyon ni De Leon habang ang iba naman ay binansagan itong “toxic positivity”.
Bukod kay De Leon, nagpahayag din ng kani-kanilang mga tindig sina Sarah Geronimo at Nadine Lustre.