PNP sa mga raliyista: Gawing online na lang ang protesta

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
PNP Chief Gen. Archie Gamboa

Hinikayat ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Archie Gamboa noong Hulyo 20 ang mga nagbabalak magsagawa ng protesta sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 27, na gawin na lamang ito online.

Aniya, “Dun naman sa mga may planong mag-protesta again, lalo na dito sa SONA, nakikiusap po kami na kung pwede just do it online”. 

Dapat umanong pagbalansehin ang kalayaang magpahayag sa pampublikong kalusugan ngayong panahon ng pandemiya.

Ayon kay Gamboa, puwede namang ipahayag ng mga raliyista ang kanilang mga saloobin online lalo na’t popular sa ngayon ang paggamit ng social media.

This is not an ordinary time (Hindi ito ordinaryong panahon), nakita nyo naman in the past SONA na inaallow naman natin yung protest,” dagdag pa ni Gamboa.

Mas ligtas umano para sa lahat kung mananatili na lamang ang mga tao sa kani-kanilang tahanan upang makaiwas sa Covid-19.

Giit ng PNP chief,  “If the intention is just to express your opinion and the PNP has always allowed this, but for this year, we are appealing to avoid mass gathering and do it online (Kung ang itensyon ay magpahayag ng opinyon at pinapayagan naman ito palagi ng PNP, subalit ngayong taon, umaapela kaming gawin na lang ito online at iwasan ang mass gathering)”.

Makikipagkita umano ang mga police commanders sa mga organizers ng kilos-protesta sa Hulyo 27 SONA para hikayatin ang mga ito na huwag nang magdaos ng rally para makaiwas sa Covid-19.

Ayon naman kay Maj. Gen. Emmanuel Luis Licup, PNP director for Operations, naghanda na aniya ng iba’t-ibang hakbang ang National Capital Region Police Office (NCRPO) batay sa mga scenario na ibinigay ng Presidential Management Staff.

Naghanda umano ang NCRPO ng traffic at security plan sa paligid ng Batasang Pambansa sakaling pisikal na dadalo ang pangulo sa venue.

Subalit, wala pang anunsyo kung itutuloy ni Duterte ang paglalahad ng kanyang SONA sa House of Representatives sa Quezon City katulad ng mga nagdaang taon.

Nauna namang sinabi ni NCRPO Chief Maj. Gen. Debold Sinas na gumawa sila ng template na ginagamit nila sa tuwing may malaking pagtitipon kagaya ng taunang SONA ng pangulo.

“So far,ongoing ang preparations and we are waiting for the final scenario kung saan po mag deliver ng speech si President,” paliwanag ni Sinas.

Ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kung mayroon mang dapat magreklamo tungkol sa umano’y pag-edit ng mga talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte, ito ay ang pangulo mismo.

Sinabi ito ni Roque matapos humingi ng paliwanag ang mga mamahayag at media advocates sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) kung bakit inedit aniya ang talumpati ng pangulo nang ito ay magtalumpati sa harap ng mga sundalo sa Jolo, Sulu.

Aniya, “Alam po ninyo kapag mayroon naman pong magrereklamo siguro dahil siya ay na-censor, ang Presidente mismo. So, iwan na lang po natin diyan iyan”.

Sa isang inilabas na taped speech ni Duterte sa harap ng mga sundalo soldiers in Sulu, pati na rin ang opisyal na transcript nito, walang pagbabanggit tungkol sa isang pamilya nang banggitin ng pangulo ang tungkol sa pagbubuwag ng isang oligarkiya.

Wala ring sinabi tungkol sa ABS-CBN, na tinanggihan ng House Committee on Legislative Franchises na bigyan ng panibagong prangkisa noong Hulyo 10.

Subalit, isang unedited audio recording ng parehong talumpati ng pangulo ang lumabas kung saan naglalaman ito ng mga birada ni Duterte laban sa mga Ayalas, pati na rin ang pamilya Lopez na nag-aari sa ABS-CBN. Tinalakay ng pangulo ang iba’t-ibang isyu tungkol sa network bagama’t itinanggi niyang may kinalaman siya sa pagpapasara nito.

“Yun namang ABS-CBN binaboy ako. Pero sinabi ko, kapag ako nanalo, bubuwagin ko ang oligarchy ng Pilipinas. Ginawa ko,” ani Duterte sa nasabing unedited audio recording.

Hindi naman nagbigay ng paliwanag ang tagapagsalita ng pangulo kung bakit ine-edit ng Malacañang ang mga talumpati ni Duterte.

LATEST

LATEST

TRENDING