Binuksan ng Lungsod ng Maynila ang kauna-unahan nitong libreng walk-in Covid-19 testing center alinsunod sa pagpapalawak ng testing capacity ng lungsod.
Ang naturang walk-in testing center ay matatagpuan sa Ospital ng Sampaloc.
Magkakaroon din ng parehong testing sites sa Ospital ng Tondo at Ospital ng Maynila, ayon kay Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
“I think magkakaroon na rin sa iba naming ospital in a matter of few days, these are for our walk-ins,” ani Yorme.
Nauna namang binuksan ng lungsod ang dalawang drive-thru Covid-19 testing sites sa Lawton at Quirino Grandstand. Ang dalawang pasilidad ay kayang makapagtest ng aabot sa 900 katao bawat araw, ayon kay Domagoso.
Available para sa lahat maging sa mga hindi residente ng lungsod ang lahat ng libreng testing sites.
“Nakita namin na why not share it to others because this is a universal problem and we cannot just take care of ourselves and leave our neighbors behind (bakit hindi natin ibahagi sa iba sapagkat ito ay pangkalahatang suliranin at hindi lamang dapat natin alagaan ang ating mga sarili habang iniiwan ang ating mga kapitbahay),” giit ni Domagoso.
Ayon sa alkalde, mahigit 17,000 na ang inilunsad na Covid-19 tests ng lungsod.
Tinatayang tatlong milyong residente ang nakatira sa Maynila.