Duterte, pisikal na ilalahad ang ikalimang SONA sa Batasan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Ilalahad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa sa Hulyo 27, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Aniya, “I can confirm for the first time that the President will be physically present in Batasan (Pisikal na dadalo ang pangulo sa Batasan) pagdating ng SONA sa ika-27 ng buwang ito. Naka-schedule ang rehearsal, at patuloy ang preparation”.

Sa isang ​advisory, ipinahayag naman ng House of Representatives na hindi papayagang pumasok sa Batasan ang lahat ng commercial media alinsunod sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Tanging mga personnel lamang ng Radio TV Malacañang (RTVM), na pag-aari ng pamahalaan, ang papayagang makapasok para kunan ang talumpati ni Duterte na ibo-broadcast naman sa lahat ng media outlets.

Ieere rin ang SONA nang live sa pamamagitan ng Facebook at YouTube channels ng RTVM.

Hanggang 50 na mga mambabatas lamang aniya ang papayagang makasaksi sa SONA. Hindi pa naman tiyak kung papayagang makadalo ang mga miyembro ng Gabinete ng Duterte.

Inabisuhan naman ng mga awtoridad ang mga nagbabalak magdaos ng kilos-protesta sa araw ng SONA sa Commonwealth Avenue na gawin na lamang ito online.

“Tingin ko, kasinlinaw ng sinag ng araw na ang pagtitipon-tipon po ay magreresulta sa mas mabilis na pagkalat ng sakit na ito,” ani Roque.

Iginiit naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Archie Gamboa na oobserbahan ng kapulisan ang maximum tolerance kung magpapakita ang mga raliyista sa Batasan.

 “The PNP will always balance that freedom of expression that many people want to exercise and of course, keeping the necessary measures (Babalansehin ng PNP ang kalayaang magpahayag ng mga tao habang pinananatili ang mga alituntunin) lalo na doon sa quarantine protocols in mass gatherings,” wika ni Gamboa.

LATEST

LATEST

TRENDING