Militar: Walang pagbabanta sa SONA ng pangulo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Wala umanong pagbabanta sa gaganaping ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 27, ayon sa Armed Forces of the Philippines Joint Task Force (AFP-JTF) NCR.

Binangggit ito ni AFP-JTF Commander Brigadier General Alex Luna bago umarangkada ang mga pagpupulong sa pagitan ng mga awtoridad at lider ng mga komunidad bilang kabahagi ng paghahanda sa SONA ni Duterte.

Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Major General Debold Sinas, 50 na mga opisyal lamang ang papayagang makapasok sa Batasang Pambansa sa araw ng SONA.

Hihigpitan din umano ang seguridad para masigurong mga awtorisado lamang ang makakapasok sa venue.

Aniya, “Wala na ‘yung usual na maraming opisyales ng gobyerno na mga bisita na p’wedeng papasukin. At dahil lahat tayo ang obligadong magsuot ng facemask ay parang ibang iba na tayo. Hindi na usual kasi nakatakip ang mukha natin”.

“Dito po ay mas lalo naming paiigtingin ang seguridad dahil may ibang tao na kapag nagsuot ng mask ay mahirap nang kilalanin,” ani Sinas.

Dagdag pa niya, “At sa labas ng Kongreso naman, umaasa kami na mas kaunti ang mga nasa kalsada na magpahayag ng kanilang saloobin, sumusuporta man sila o hindi”.

Sa ngayon, patuloy naman ang daylogo sa pagitan ng mga awtoridad at iba’t-ibang sangay ng gobyerno, para talakayin kung papaano maisasakatuparan nang maayos at payapa ang ikalimang SONA ng pangulo.

LATEST

LATEST

TRENDING