Ang mabusising pag-eencode ng mga datos ng mga benepisyaryo sa ikalawang alon ng social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit natatagalan ang pagbibigay ng ayudang pinansyal, ayon sa ahensya.
Batay sa huling tala ng departamento, umabot sa mahigit 81,000 ang bilang ng mga duplicate na benepisyaryo.
Kinakailangang magmumula lamang sa isang agensya ang matatanggap na ayuda ng isang pamilya.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Josephine Niwane, “‘Yun kasing encoding nila pagka hindi nila sinunod yung format, hindi pwedeng made-up yun so kunwari yung birth date, pagka nagkabali-baligtad yun, parang ibang tao na siya. Ang ginawa ng iba binigay yung list, incomplete naman siya”.
Mayo pa nang itakda ang pamimigay ng naturang ayuda na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na pamilya na lubos na naapektuhan sa pananalasa ng Covid-19 pandemic.
Samantala, sa ngayon, nasa 82 porsyento pa lang umano ng mga pamahalaang lokal ang nakapagbigay ng liquidation wika ng ahensya.
Sa itinakdang 17 milyong mga benepisyaryo, nasa 3.2 milyon pa lamang ang nabibigyan ng ayuda.
Sisikapin naman aniya ng DSWD na mabigyan ang lahat ng mga benepisyaryo sa kalagitnaan ng Agosto.