Siyam na media groups at 51 na mga mamamahayag ang naglagda ng isang pahayag na humihiling na i-broadcast nang “live at unfiltered” ang mga talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos maglipana ang mga balita na inedit ng mga opisyal ang ilang bahagi ng kanyang mga huling pahayag.
Ibinahagi ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) ang naturang pahayag noong Hulyo 17, at idinagdag na dapat ipaliwanag ng Philippine Communications Operations Office (PCOO) kung bakit inedit nito ang video ng talumpati ng pangulo sa Jolo, Sulu.
“How can people continue to trust the government’s pronouncements when the president’s very own words are manipulated and then twisted by those who speak on his behalf (Paano mapagkakatiwalaan ng taumbayan ang sinasabi ng pamahalaan kung ang mga salita mismo ng pangulo ay babaguhin ng mga tagapagsalita nito)?,” giit ng pahayag.
Naunang binanggit ng pangulo ang tungkol sa pag-aari ng pamilya Lopez sa ABS-CBN, habang sinabi rin na nabuwag niya ang isang oligarkiya. Subalit, hindi inere ang kanyang sinabi ukol sa ABS-CBN.
Nangyari ang nasabing talumpati ni Duterte ilang araw lamang matapos tanggihan ng komite ng Kamara ang kahilingan ng ABS-CBN na mabigyan ng panibagong prangkisa.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, na hindi dumalo sa naturang event ni Duterte, kung magbabanggit daw ang pangulo ng “oligarko”, ang tinutukoy nito ay palaging sina Philippine Airlines Chairman Lucio Tan, Manny Pangilinan at ang Ayala Group.
Nauna ring idiniin ng tagapagsalita ng pangulo na “neutral” umano ang posisyon ng pangulo ukol sa ABS-CBN isyu bagama’t panay ang birada nito laban sa network noong nakaraan.