Eksperto: Pagpasa ng anti-dynasty law, solusyon sa pagbuwag ng oligarkiya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Muling umarangkada ang mga birada ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo kontra sa mga tinutukoy niyang mga “oligarko” o mga mayayamang pamilya na inaabuso ang kaparangyarihang pulitikal.

Sa isang talumpati ng pangulo, ipinagmalaki nito ang pagpapasara ng ABS-CBN bilang kabahagi ng tagumpay kontra sa pamamayagpag ng oligarkiya.

Bagama’t sinikap ng Malacañang na itago ang bahaging iyon ng talumpati ng pangulo, nabisto pa rin ito nang mapasakamay sa media ang kabuuang audio recording ng talumpati ni Duterte.

” ‘Yun namang ABS-CBN, binaboy ako. Pero sinabi ko ‘pag ako ang nanalo, bubuwagin ko ang oligarchy ng Pilipinas. Ginawa ko,” ani Duterte.

Subalit, marami ring nagduda dahil sinabi rin ng pangulo na, ” ‘Yung kaibigan kong tumutulong, ‘pag yumaman ka nang yumaman, mas maligaya ako”.

Para naman sa political science professor na si Julio Teehankee, maituturing na “partisan politics” ang pag-target sa iilang pamilya lamang dahil hindi naman nito maitutuwid ang sistema.

Wika niya, “One president’s oligarch would be another president’s crony (Ang oligarko ng isang pangulo, ay crony naman ng isa pa)”.

Ang pagpapasa ng batas laban sa mga dinastiya ang tanging paraan aniya para mapatunayang seryoso ang pangulo sa pagbuwag ng mga oligarkiya.

Mapatutunayan lang umano ang katapatan ni Duterte sa laban kontra oligarkiya kung magpapasa siya ng batas laban sa mga dinastiya.

Naunang ibinasura ng Kamara ang probisyong nagbabawal sa political dynasties sa binalangkas na panukalang federal constitution.

Hindi naman tiwala si Teehankee na papasa pa ang isang batas patungkol sa anti-political dynasty sa ilalim ng administrasyong Duterte dahil 70 porsyento ng kasalukuyang komposisyon ng mga kongresista ay nanggaling sa mga political dynasties.

LATEST

LATEST

TRENDING