Mukhang imposible pang mapatag ang Covid-19 curve ng bansa sa Hulyo o Agosto, ayon sa isang dalubhasa.
Ayon kay Profesor Guido David ng University of the Philippines Institute of Mathematics, may kabilisan pa rin ang trend o trajectory na nasa average ng 2,000 Covid-19 cases bawat araw.
Aniya, “Ngayon mabilis pa yung trajectory so ‘yun ang goal natin pero hindi pa mangyayari yun sa July or August kasi yun nga medyo mabilis pa eh bumibilis nga eh”.
“Pero ang inaasahan natin yung mga solutions natin ngayon gagana hindi ko pa nakikitang July or August magpa-flatten na sya kunyari napa-ano natin maybe by September,” dagdag pa niya.
Sa katunayan, puwede pa nga aniyang pumalo sa 80,000 hanggang 85,000 ang bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa sa katapusan ng Hulyo.
Iginiit ni David na sa Metro Manila, nasa 1.3 ang reproduction number – na ibig sabihin ay mas mabilis kumalat ang coronavirus sa naturang lugar. Mataas din umano ang positivity rate nito.
Gayunpaman, umaasa si David na mapapabagal ito bunsod ng pahayag ng pamahalaan na mas papaigtingin ang pagiging agresibo ng mga pamahalaang lokal sa pagpapatupad ng mga hakbang at protocols.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), umabot na sa 61,266 ang kabuuang bilang ng Covid-19 cases sa bansa. Sa bilang na ito, 21,440 na ang gumaling, habang 1,643 naman ang pumanaw.