Inilunsad ng Lungsod ng Maynila ang sarili nitong libreng drive-thru testing para sa Covid-19.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, kahit sino, maging ang mga hindi residente ng Maynila, ay maaaring makinabang sa libreng rapid tests.
Kailangan lamang umano magdala ng kahit anong government-issued ID.
“Ang pwedeng dumaan dito? Dalawang gulong, motorized, non-motorized; tatlong gulong… o apat na gulong. Any John Does and Mary,”ani Yorme.
Binanggit din ng alkalde na available ang testing simula Lunes hanggang Biyernes mula 8 A.M. hanggang 5 P.M. sa harap ng Andres Bonifacio Monument sa Ermita.
Ang mga pasyente ay makatatanggap ng update sa resulta sa loob ng 24 oras sa pamamagitan ng text o e-mail.
Kung positibo ang resulta, sasailalim naman sa swab test ang pasyente.
Ayon kay Domagoso, nasa 11,000 ang kapasidad ng drive-thru testing, subalit ipagpapatuloy umano ng lungsod ang pagbili ng mas marami pang test kits hangga’t pasok sa badyet.
Isang kaparehong inisyatibo rin ang inilunsad sa Lungsod ng Taguig noong Abril.