Covid-19 cases sa bansa, pumalo na sa mahigit 60,000

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: PGH Facebook Page

Muling nakapagtala ang Pilipinas nang mahigit 2,000 na karagdagang mga Covid-19 cases noong Hulyo 16, para sa kabuuang mahigit 60,000 na bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.

Unang hinulaan ng University of the Philippines (UP) na maaabot ng bansa ang 60,000 na marka sa dulo ng buwan.

Sa karagdagang 2,498 cases — ang ikalawang pinakamataas simula noong pag-umpisa ng pandemiya — pumalo na sa 61,266 ang kabuuang bilang ng mga kaso na may 38,183 active cases.

Ang nakalap na datos ay nagmula sa 71 mula sa 84 Covid-19 laboratories sa bansa.

Sa karagdagang mga kaso, 1,886 ay mula sa National Capital Region (NCR), 198 sa Cebu province, 57 sa Cavite, 44 sa Davao del Sur, at 44 sa Laguna, ayon sa Department of Health (DOH). 

Naunang itinalaga ang NCR bilang sentro ng pandemiya sa bansa. Nagkaroon din ito ng spike sa bilang ng mga kaso simula nang pagpapagaan ng quarantine protocols para magbigay-daan sa pagbubukas ng ekonomiya.

Noong Hunyo, hinulaan ng UP OCTA Research group na sa kasalukuyang mga aktibidad, papalo ang bilang ng mga kaso sa 60,000 sa pagtatapos ng Hulyo, kung saan naabot ito habang nangangalahati pa lang ang Hulyo.

Naiulat din ng DOH ang 467 na karagdagang mga gumaling para sa kabuuang bilang na 21,440. Mayroon namang karagdagang 29 deaths para sa kabuuang 1,643 na mga nasawi.

Sa bilang naman ng active cases, 90.7% ang may katamtamang sintomas, 0.4% ang may malubhang sintomas, at 0.5% ang nasa kritikal na estado. 8.5% naman ang asymptomatic. 

May naitala namang 82 duplicate cases na tinanggal mula sa total count at tatlo dito ang naunang tinukoy bilang recoveries.

LATEST

LATEST