Anti-terror law, epektibo na simula Hulyo 18

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa PNA

Magiging epektibo na ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Act sa Sabado, Hulyo 18, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Sa pahayag na inilabas noong Hulyo 17, ipinaliwanag ni  DOJ Secretary Menardo Guevarra na dahil nilathala ang batas noong Hulyo 3, magiging epektibo ito matapos ang 15 na araw o sa Hulyo 18.

Samantala, Ang Anti-Terrorism Council, na pinangungunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ay nag-umpisa nang magbalangkas ng implementing rules and regulations, ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr.

IRR will come in 90 days (Darating ang IRR sa loob ng 90 na araw),” ani Esperon.

Ang Republic Act 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020 ay nag-uutos sa paggawa ng isang joint congressional oversight committee na magbibigay kapangyarihan para ipatawag ang council at mga awtoridad para sa implementasyon ng batas.

Ilang petisyon namang ang inihain sa Korte Suprema para kwestyunin ang konstitusyonalidad ng batas na nilagdaan ng pangulo noong Hulyo 3.

Ilan sa mga kontrobersyal nitong probisyon ay ang pagpapalawig sa oras ng pagkakulong at pagkaaresto sa mga suspek nang walang warrant hanggang sa 24 na araw, mula sa dating tatlong araw lamang sa ilalim ng naunang batas.

Ayon sa mga kritiko, posible umano itong magdulot ng mga paglabag sa karapatang pantao bagama’t pinabulaanan ito ng mga may akda ng batas.

Para naman kay Duterte, hindi dapat ipangamba ng mga hindi terorista ang bagong batas sabay pagbanggit na dapat ikonsiderang terorista ang mga komunista dahil “idineklara” niya sila bilang terorista.

Iginiit naman ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, principal sponsor at awtor ng Anti-Terrorism Act, na maaaring “personal na opinyon” lamang ito ng pangulo, at ang petisyon ng gobyerno para ideklara bilang terorista ang Communist Party of the Philippines at ang New People’s Army ay nasa kapasyahan ng Court of Appeals.

LATEST

LATEST