Pilipinas, na-flatten na ba ang curve? Oo, sabi ni DOH Sec. Duque

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Matagumpay aniyang na-“flatten” ng Pilipinas ang curve ng Covid-19 pandemic simula noong Abril, bagama’t patuloy ang pag-akyat ng Covid-19 cases, ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.

Ayon kay Duque, batay ito sa sa mas mahabang Covid-19 case doubling rate at mortality doubling time.

“We have successfully flattened the curve since April (Na-flatten na ang curve simula Abril),” wika ni Duque.

Sinabi rin ni Duque na napaigting ng pamahalaan ang pagresponde nito sa pandemiya sa pamamagitan ng public health interventions at non-pharmaceutical interventions katulad ng mandatoryong pagsusuot ng face masks sa mga mamamayan.

Gayunpaman, ayon sa ABS-CBN Data Analytics team, kinakailangan pang ipakita umano ng Pilipinas ang sustained downward trend sa bilang ng panibagong Covid-19 cases na naiuulat ng DOH araw-araw.

Ilang oras matapos ang kanyang pahayag, nilinaw ni Duque ang kanyang mga pahayag sa Twitter.

Ipinaliwanag ng kalihim na naging “bent” ang pandemic curve noong Abril matapos ipatupad ang lockdown noong Marso, subalit tumataas na ang bilang ng mga Covid-19 cases sa pagpapagaan ng quarantine protocols noong Hunyo.

“Ang mahalaga ay ma-maintain ang bilang ng mga kaso at manageable levels para hindi natin ma-overwhelm at mapagod ang ating health care workers. Kaya’t importante na sundin natin ang minimum health protocols- magsuot ng mask, maghugas ng kamay, at mag-physical distancing,” giit ni Duque.

Noong nakaraang buwan, nilinaw din ni Duque ang kanyang paninisi sa kanyang staff sa pagkaantala ng paglabas ng mga mandatoryong benepisyo para sa health workers na nasawi o nahawa ng Covid-19 ayon sa Bayanihan to Heal As One Act.

Ang huling mga pahayag ni Duque ay matapos iulat ng mga ospital na napuno na ang kani-kanilang mga coronavirus wards.

Noong Hulyo 13, sinabi ng DOH na bagama’t patuloy ang paglaganap ng Covid-19, bumuti naman umano ang case doubling time ng Pilipinas sa 8.18 days.

Ito ay nangangahulugan na mas matagal pa ang pagdoble ng mga panibagong kaso. Mas matagal naman ang case doubling time sa Metro Manila na nasa 8.89 days kumpara sa Cebu City na nasa 8.25 days.

“Sa bilang ng mga kaso po na iniulat namin nitong mga nakaraang buwan, para sa buwan ng Hulyo naga-average tayo ng 766 new cases per day ayon sa date of onset of illness,” ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Dagdag pa ni Vergeire, “Mas mataas po ito kumpara sa nakita nating average number of cases per day noong Hunyo dahil po sa pagtaas ng bilang ng mga kaso sa binabantayan nating lugar at dahil na rin po sa pagdami ng bilang ng clusters of community transmission na nakikita natin”.

LATEST

LATEST

TRENDING