Hindi pumayag na magpaliwanag sa National Bureau of Investigation (NBI) ang siyam na pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
Bagama’t nagtungo ang mga pulis sa NBI noong Hulyo 15, tumanggi ang mga ito na magbitiw ng pahayag dahil magsusumite na lamang sila ng counter affidavit kapag nakasuhan na, ayon kay Antonio Pagatpat, deputy director for regional services sa NBI.
Binaril ng mga nasabing pulis ang apat na sundalo noong Hunyo 29 matapos aniyang magka-engkuwentro ang dalawang panig.
Sa ulat ng pulis, sinita umano ng mga pulis sa checkpoint ang SUV na lulan ang mga sundalo, na noo’y may hinahanap na dalawang sinususpetsahang suicide bomber ng grupong Abu Sayyaf.
Ang mga sundalo ay inimbitahan aniya sa Jolo Municipal Police Station para sa beripikasyon ngunit kumaripas umano ito ay bumunot ng baril kaya sila pinaputukan ng pulisya.
Gayunpaman, hindi pa malinaw kung bakit binuntutan ng mga pulis ang sasakyan ng mga sundalo, ayon naman kay Moises Tamayo, hepe ng NBI-Western Mindanao regional office.
Sinisikap naman ng NBI na maisumite na sa Department of Justice (DOJ) ang resulta ng kanilang isinagawang imbestigasyon sa Hulyo 17.