Tiniyak ng Malacañang sa bansa noong Hulyo 15 na ipinagpapatuloy ng bansa ang paglaban nito para itaguyod ang mga karapatan sa West Philippine Sea matapos mapag-alaman sa isang survey na karamihan sa mga Pilipino ang naniniwala na dapat ilaban ng Pilipinas ang awtoridad nito sa pinag-aagawang mga teritoryo.
Pito sa 10 Pilipino ang naniniwala na dapat idiin ng Pilipinas ang mga karapatan nito sa mga isla sa West Philippine Sea, ayon sa resulta ng isang Social Weather Stations (SWS) phone survey na inilabas noong Hulyo 14.
“As we have said in previous occasions, the Philippine government continues to assert our rights over the disputed areas in the West Philippine Sea in accordance with the 2016 Arbitral Ruling (Base sa sinabi natin noon, patuloy na idinidiin ng pamahalaan ang ating mga karapatan sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea alinsunod sa 2016 arbitral ruling),” ani Presidential Spokesman Harry Roque.
Dagdag pa nito, “We have not waived nor have we relinquished these rights (Hindi natin isinuko ang mga karapatang ito)”.
Minarkahan ng Pilipinas noong Hulyo 12 ang ikaapat na anibersaryo nito mula sa paglabas ng kapasyahan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa the Netherlands na ibinasura ang pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea.
Inilarawan naman ng Chinese embassy sa Manila ang desisyon ng PCA bilang “illegal at invalid” matapos ipahayag ng Pilipinas na “non-negotiable” ito.
Gayunpaman, iginiit ni Roque na hindi makakaapekto ang hindi pagkakaunawaang ito sa pangkalahatan ng bilateral ties sa pagitan ng Pilipinas at China.