Bumirada muling si Pangulong Rodrigo Duterte sa ABS-CBN at direktang tinukoy ito na bahagi ng oligarkiyang gusto niyang tanggalin, ayon sa audio recording ng kaniyang talumpati sa harap ng mga sundalo sa Jolo, Sulu noong Hulyo 13 na hindi inere sa telebisyon at radyo.
Sa pagpunta ni Duterte sa Jolo, ipinagmalaki nitong matagumpay niyang nabuwag ang oligarkiya na masyadong nangingialam sa pulitika ng bansa.
“Without declaring martial law (Nang hindi nagdedeklara ng batas militar), sinira ko ‘yung mga tao na humahawak sa ekonomiya at umiipit at hindi nagbabayad. They take advantage sa kanilang political power,” ani Duterte.
Naunang itinanggi ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Hulyo 14 na ang pamilyang Lopez na nagmamay-ari ng ABS-CBN ang tinutukoy ng pangulo.
Ayon kay Roque, ang mga oligarkong tinutukoy ng pangulo ay sina Lucio Tan, Manny Pangilinan at grupong Ayala.
Ayon naman kay Senador Bong Go, walang pamilyang tinutukoy ang pangulo. Binibigyang diin lamang umano nito ang kampanya ng gobyerno laban sa kurapsyon.
Subalit, ayon sa audio clip na nakalap ng ABS-CBN tungkol sa kumpletong talumpati ni Duterte, lumabas na binanggit mismo ng pangulo ang ABS-CBN at ito ang kanyang tinutukoy na oligarkiyang nalansag.
“Iyon namang ABS-CBN, binaboy ako, pero sinabi ko, ‘pag ako ang nanalo, bubuwagin ko ang oligarchy ng Pilipinas. Ginawa ko. Without declaring martial law, sinira ko ‘yong mga tao na humahawak sa ekonomiya at umiipit at hindi nagbabayad. They take advantage sa kanilang political power,” wika ni Duterte.
Dagdag pa ng pangulo, “Alam mo, itong pangyayari ng ABS, sabihin niyo sa mga anak ninyo, tax free ‘yan. All equipments ng ABS-CBN, tax free pumasok. Tapos ang titulo nila, 44 hectares. 44 square meters, Maria Ignacia, it’s supposed to be 44,000 square meters. ‘Yong mga lokohan na”.
“Tapos may mga holding company sa labas. Ganoon din. Ano ‘yong, ano ‘yong inano nila ni Marcos. Sila rin. Cayman, tapos may holding company sa Hungary, doon nila binubuhos. Kunwari, may ano sila, may investment sila doon. Padala sila ng pera. Pero ‘yong investment na ‘yan, wala na. ‘Yong pera hindi na ‘yan babalik. Kaya walang taxes,” giit pa niya.
Gayunpaman, binigyang diin ni Roque na hindi patakaran ng Palasyo na i-edit ang talumpati ng pangulo bago ito iere sa publiko.
Pinandigan pa rin ni Roque na hindi ABS-CBN ang tinutukoy na oligarkiya na pinabagsak ni Duterte at nananatiling “neutral” ang pangulo hinggil sa isyu.
Malabo raw ito ayon kay Roque, dahil buhay pa rin ang ilan nilang negosyo.