Tiniyak ng Malacañang noong Hulyo 14 na hindi mauubusan ng mga ospital ang bansa para tugunan ang mga pasyente ng Covid-19, bagama’t sinabi ng isang opisyal na narating na ang “danger zone” ng critical care capacity para sa intensive care unit (ICU) beds.
Sinabi ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ianunsyo ng ilang mga ospital na hindi na sila tatanggap ng panibagong mga Covid-19 patients dahil full bed capacity na ang mga ito.
Ayon kay Roque, tinitiyak lamang ni Health Undersecretary for Special Concerns Leopoldo “Bong” Vega na maire-refer ang mga pasyente ng Covid-19 sa partikular na ospital upang magamot.
Si Vega, na unang ibinunyag na naabot na ang danger zone sa bilang ng mga ICU beds, ay pinuno ng bagong unit na Hospital One Incident Command, na siyang gumagawa ng mga Covid-19 bed allocation guidelines.
“Overall, sapat-sapat naman po ang ating mga hospital beds kasama na na po diyan iyong ating mga ICU beds. So, kung puno na ang ospital na gusto ninyong pasukan, sasabihin naman kayo kung saan pupuwedeng magpunta kung kinakailangan ng ICU care,” paglilinaw ni Roque.
Ayon sa tagapagsalita ng pangulo, nakikiusap umano si Vega na taasan ang bilang ng mga ICU beds para sa Covid-19 patients.
Sa kasalukuyan, mandatoryo para sa mga ospital ang maglaan ng 30 porsyento ng kanilang mga higaan para sa mga pasyente ng Covid-19.
Umapela rin si Roque sa mga pampribadong ospital na nagsabing naabot na ang full capacity ng kani-kanilang mga higaan para sa Covid-19 patients na taasan pa ang bilang nito.
“Nakikiusap po ngayon ang gobyerno kung puno na iyong 30-percent capacity for ICU beds, kung pupuwede gawing 50-percent capacity naman for Covid patients,” wika ni Roque.