Pilipinas, mananatiling ‘kaibigan’ ng China bagama’t muling inisnab ang arbitral ruling

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte (kaliwa) at Chinese President Xi Jinping (kanan)
Kuha ni: Etienne Oliveau (Getty Images)

Papanatilihin ng Pilipinas ang “mala-kaibigan” na ugnayan nito sa China bagama’t tinanggihan muli ng Beijing ang panawagan ng Manila na kilalanin ang kapasyahan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa the Netherlands na pabor sa Pilipinas tungkol sa agawan ng teritoryo sa South China Sea, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi muna pipilitin ng administrasyong Duterte ang China para kilalanin ang kapasyahan ng PCA upang mapaigting ang kalakalan at kooperasyong pang-ekonomiko sa pagitan ng dalawang bansa.

Aniya, “Isasantabi muna po natin ‘yung mga bagay na hindi mapagkasunduan, kasama na po itong territorial dispute na ito”. 

Gayunpaman, nilinaw ni Roque na hindi ito nangangahulugang iaabanduna na ng Pilipinas ang tagumpay nito sa China batay ayon sa arbitral ruling na inilabas noong 2016.

“Hinding-hindi po natin gagawin iyan because the ruling was to our favor (dahil pabor sa atin ang kapasyahan),” paglilinaw ni Roque.

Ipinahayag ito ng tagapagsalita ng pangulo matapos manawagan si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa China na igalang ang arbitration award na pabor sa Pilipinas dahil “non-negotiable” umano ito.

Ang panawagan ng kalihim ay kasabay nang pagmarka ng bansa sa ika-apat na anibersaryo ng pagkapanalo nito kontra China noong 2016.

Noong Hulyo 12, 2016, naghatol ang PCA sa The Hague, Netherlands pabor sa Pilipinas at iginiit na walang ligal na basehan ang China sa itnutulak nitong “historic rights” sa malaking bahagi ng South China Sea.

Tinanggihan naman ng China ang panawagin ni Locsin dahil ang kapasyahan umano ng The Hague ay “illegal at invalid.”

Gayunpaman, idiniin ni Roque na ang hakbang na ito ng Beijing ay hindi makakaapekto sa kabuuang relasyon nito sa Manila sa ilalim ng liderato ni Duterte.

“Itong disagreement nating ito ay hindi dahilan at hindi naman po ito ang suma total ng ating relasyon sa Tsina,” wika ni Roque.

LATEST

LATEST

TRENDING