Malacañang: ABS-CBN shutdown, hindi kapareho noong panahon ng batas militar

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Mariing tinutulan ng Malacañang ang paratang na maihahalintulad umano ang pagtanggi sa pagbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN ng Kamara sa pagpapasara nito noong panahon ng martial law sa ilalim ng dating diktador na si Ferdinand Marcos.

Sinabi ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ipahayag ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo na tila naulit ang kasaysayan noong 1972 sa pagtanggi ng komite ng Kamara na bigyang muli ng prangkisa ang network noong Hulyo 10.

Aniya, “With all due respect we disagree, but we do so vehemently (Mariin po kaming tumututol nang may paggalang). Alam po natin ang nangyari doon sa panahon ng Martial Law may prangkisa po, ipinasara. Pero ang nangyari po ngayon, napaso ang prangkisa, hindi po na-renew”.

“Kapag ang pamamahayag po ay nakadepende sa prangkisa, kinakailangan masunod din ang probisyon ng Konstitusyon na dapat mayroong prangkisa na nanggaling sa Mababang Kapulungan. We beg to differ with due respect to the Vice President (Tumututol po kami sa pangalawang pangulo nang may paggalang),” ani Roque.

Hindi rin sinang-ayunan ni Roque ang naging komento ni Senador Leila de Lima na inihambing ang pagsasara ng network sa  “Oplan Tokhang”, ang operasyon ng pamahalaan para sugpuin ang iligal na droga.

“Sang-ayon po sa Saligang Batas ang desisyon, sa tingin ko po, mali iyong ganiyang obserbasyon,” giit ni Roque.

Pinanatili naman ng tagapagsalita ng pangulo ang posisyong “kapasyahan ng taumbayan” umano ang ginawang hakbang ng Kongreso hinggil sa ABS-CBN.

“Sa ating Saligang Batas ang mayroon tayo ay representative democracy. Ang husga po sa mga representante ay pagdating po ng eleksyon. So, tama pa rin po iyong aking sinabi dahil nakasaad po sa ating Saligang Batas iyan,” wika ni Roque.

Hinikayat naman ni Roque na mag-“move on” na ang publiko sa isyu.

Aniya, “Well, maski po tayo ay manghinayang eh tapos na po ang boxing at dumaan na po sa proseso sang-ayon po sa Saligang Batas, wala na po tayong magagawa. Let’s move on (Mag-move on na tayo)”.

Gayunpaman, inamin pa rin nito na malaking kawalan umano ang network bilang katuwang sa pagpapakalat ng impormasyon dahil sa malawak nitong naaabot sa bansa.

“Mayroon ba hong malaking kawalan dahil hindi nabigyan ng franchise ang ABS-CBN? Aaminin ko po, mayroon po… dahil nawala po iyong pinakamalaking reach para sa dissemination natin,” paglilinaw ni Roque.

Idinagdag pa niyang itinuturing niya bilang “Kapamilya” ang sarili at malaki raw ang utang na loob niya sa network dahil sa paghahatid impormasyon nito sa taumbayan.

“Noong ako po ay naging tagapagsalita, malaki rin po ang naging utang na loob ko dahil number one naman po talaga sa reach ang ABS-CBN,” diin ng tagapagsalita ng pangulo.

Subalit, kinakailangan pa rin aniyang igalang ang kapasyahan ng Kamara.

“Sang-ayon o tutol man tayo rito, dumaan po sa proseso at iyan po ang naging desisyon ng komite – kinakailangan po respetuhin ng lahat,” ayon kay Roque.

Sa botong 70-11, tinanggihan ng Committee on Legislative Franchises ng Kamara ang hiling ng ABS-CBN na mabigyan ng panibagong prangkisa, na nagresulta sa permanenteng pagpapasara ng network.

LATEST

LATEST

TRENDING