Sinabi ng Philippine National Police (PNP) noong Hulyo 15 na bahala na ang mga lokal na pamahalaan na pangasiwaan ang house-to-house searches ng Covid-19 patients para masugpo ang paglaganap ng Covid-19 pandemic.
“Hindi po kami ang mangunguna dito. Hindi po kami ang magkukusa, magsasarili na kakatok sa mga bahay. Maghihintay po kami sa guidance at request ng LGU,” ani Joint Task Force COVID Shield head Lt. Gen. Guillermo Eleazar.
Dagdag pa niya, “Hindi po namin kabisado kung sino ang mga positive d’yan… Ang dami po naming ibang ginagawa ngayon”.
Pinapahintulutan ang pag-home quarantine ng mga pasyente na may mga katamtamang sintomas lamang, na nakakulong sa sariling kwarto na may sariling palikuran. Dapat ding hindi makahawa ang mga ito sa mga matatanda at buntis.
Tutukuyin ng mga lokal na opisyal at health workers ang mga pasyente na dapat ilipat sa mga quarantine facilities at tutulong lamang aniya ang mga pulis.