Duterte, matagumpay aniya sa pagbuwag ng isang ‘oligarkiya’ sa bansa

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagwawakas niya umano sa isang “oligarkiya” nang hindi nagdedeklara ng batas militar sa bansa.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga sundalo sa Jolo, Sulu, sinabi ng pangulo na nagbigyan niya ng tuldok ang pamamayani ng isang pamilyang inabuso ang kanilang “kapangyarihan sa pulitika”.

“Kaya [kung] ako mamatay, mahulog ‘yung eroplano, p***** i**, I am very happy. Alam mo bakit? Sabi ko without declaring martial law, I dismantled the oligarchy that controlled the economy of the Filipino people (Nabuwag ko ang oligarkiyang humahawak sa ekonomiya ng sambayanang Pilipino nang hindi nagdedeklara ng batas militar),” wika ng pangulo.

Dagdag pa niya, “Sinira ko ‘yung mga tao na humahawak sa ekonomiya at umiipit. At hindi nagbabayad.”

Hindi naman ibinunyag ni Duterte ang identidad ng nasabing pamilya.

Gayunpaman, ang kanyang mga naging komento ay ilang araw makalipas ang pagtanggi ng komite sa Kamara na mabigyan ng panibagong prangkisa ang network na ABS-CBN noong Hulyo 10. Ito ang ikalawang beses na ipinasara ang network simula nang ipinagtigil-operasyon ito noong panahon ng martial law sa ilalim ng diktadurya ni Ferdinand Marcos.

Matapos tanggihan ang network na pag-aari ng pamilya Lopez, binanggit ni House Speaker Alan Peter Cayetano na kinailangan ng Kongreso na wakasan ang pribilehiyo ng isang pamilya.

We simply put an end to the privilege of one family in using a public resource to protect and promote their private interests (Kinailangan naming tapusin ang pribilehiyo ng isang pamilya na ginagamit ang pondo ng bayan upang protektahan ang pansariling interes),” ani Cayetano.

Simula 2018, ilang beses na nagbanta si Duterte na ipapasara niya ang network dahil sa hindi pag-ere nito sa kanyang campaign ads noong 2016 presidential elections. Humingi ng kapatawaran ang network at tinanggap naman ito ng pangulo kamakailan.

Sinabi naman ng Malacañang na “neutral” ang pangulo sa naging kapasyahan ng Kamara ukol sa ABS-CBN franchise.

LATEST

LATEST

TRENDING