1M Covid-19 tests, posibleng maabot ng bansa ngayong buwan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Mike Alquinto (BenarNews)

Posible umanong maabot ng pamahalaan ang itinakda nitong target na isang milyong bilang ng Covid-19 tests sa pagtatapos ng buwan, ayon sa testing czar na si Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President at CEO Vince Dizon.

Ayon kay Dizon, tumaas ang bilang ng mga testing laboratories sa 85 na nakatulong sa pag-angat ng testing capacity sa 25,000 – malapit sa target na 30,000 tests bago magtapos ang buwan.

“Sa mga susunod na araw, lalampas na tayo sa one million tests. Kung maaalala niyo po, ito ang target na sinet natin noong nakaraang buwan na by end of July isang milyong tests na po ang test natin,” ani Dizon, na siya ring deputy chief implementer ng National Task Force (NTF) Against Covid-19.

Sa National Capital Region (NCR), nasa 16,000 na ang average daily test, isang malaking pagbabago sa dating 2,500 tests sa isang araw lamang noong Abril. Dahil sa pinaigting na testing capacity, buo ang tiwala ni Dizon na maaabot ang itinakdang target ni NTF Covid-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. na makapagsagawa ng 10 milyong tests sa susunod na taon.

Aniya, “Papunta na po tayo sa nasabing target ng ating chief implementer”.

Pinasalamatan naman ni Dizon ang mga local government units (LGUs) at ang pribadong sektor sa mga inisyatibo nito sa pagpapaigting sa testing capacity para sa kanilang mga nasasakupan sa pamamagitan ng pagkalap at paggawa ng mga medical equipment at suplay.

“Kailangan paigtingin pa natin ang pagtetest dahil ‘yun lang ang paraan para mahanap natin ang mga maysakit sa ating mga komunidad at ma-isolate natin sila at mapabagal ang pagkalat ng COVID-19,” wika ni Dizon.

Dagdag pa niya, “Tuluy-tuloy lang po tayo sa tulong ng ating LGUs at private sector”.

LATEST

LATEST

TRENDING