Roque: Pagtigil-operasyon ng ABS-CBN, ‘malaking kawalan’ sa pamahalaan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Itinuturing na malaking kawalan sa pamahalaan ang tuluyang pagpapatigil-operasyon ng ABS-CBN na tumulong sa pagbibigay impormasyon ng publiko, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, “Mayroon po bang malaking kawalan dahil hindi nabigyan ng franchise ang ABS-CBN? Aaminin ko po, mayroon po”.

“Noong ako po’y naging tagapagsalita, malaki rin po naging utang na loob ko dahil number 1 naman po talaga sa reach ang ABS-CBN. Nalulungkot po ako na dumating sa punto na hindi po na-renew ang prangkisa,” dagdag pa niya.

Binanggit ni Roque na nasaktan siya umano sa naging kapalaran ng network dahil malaki raw ang utang na loob niya  rito.

Gayunpaman, iginiit ng tagapagsalita ng pangulo na dapat pa ring igalang ng publiko ang naging kapasyahan ng Kongreso.

“Maski po tayo manghinayang, eh tapos na po ang boksing. At dumaan na po sa proseso, sang-ayon sa Saligang Batas. Wala na po tayong magagawa. Let’s move on,” ani Roque.

Iginiit naman ng Palasyo na “neutral” si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa isyu at sinabing igagalang ang kapasyahan ng Kongreso. Bagama’t unang nagalit si Duterte sa network dahil sa hindi pag-ere nito ng kanyang campiagn ads noon, pinatawad na niya aniya ito.

Gayunpaman, tinuligsa ni Senador Francis Pangilinan ang pahayag ni Roque tungkol sa pagiging “neutral” umano ni Duterte.

“Ipaliwanag niya (Roque) yang mga argumento na yan sa 11,000 na mga manggagawa ng stasyon at mga asawa at anak nito na tinanggalan nila ng trabaho sa gitna ng kalamidad,” giit ng senador.

Para naman sa mga manggagawa ng network na posibleng mawalan ng trabaho, maaari naman umanong dumulog ang mga ito sa pamahalaan dahil nakahanda aniya si Pangulong Rodrigo Duterte na magpaabot ng tulong.

Maaari rin daw silang umutang sa mga ahensya ng pamahalaan para sa pagpapatayo ng negosyo.

LATEST

LATEST

TRENDING