Remulla, umaaray sa badyet tungkol sa “blended learning” ng DepEd

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Cavite Governor Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr.
Larawan mula sa: Manila Bulletin

Namomroblema si Cavite Governor Jonvic Remulla sa ipapatupad na iskema ng learning ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng Covid-19 dahil mangangailangan umano siya ng karagdagang badyet para rito.

Sa kanyang Facebook post na nakatuon kay DepEd Secretary Leonor Briones, sinabi ng gobernador na mangangailangan aniya ang lokal na pamahalaan ng hindi bababa sa P5 bilyon para sa ganitong uri ng sistema.

Sinabi rin niyang magmumula lahat sa badyet ng lalawigan ang guguguling pondo.

Aniya, “Please correct me if I am wrong. Sa ilalim ng plano na modular teaching/learning process ng DepEd, para sa 600,000 na mag-aaral ng Cavite, ay kailangan namin maghanda ng P5 bilyon para maipatupad ito”.

“Ayon rin sa plano, ang DepEd national ay walang contribution para dito at ito ay 100% na papasanin ng LGU,” dagdag pa ni Remulla.

Binigyang diin ni Remullla na may P4.7 bilyong badyet lamang ang Cavite para sa 2020. Sa pondong ito, P1 bilyon na ang nagamit ng lalawigan para sa pagresponde sa Covid-19 pandemic, habang P2.1 biylon naman ang iginugol sa pagpapasahod ng mga empleyado at operating budget ng probinsiya.

P1 bilyon din umano ang nagastos sa mga ospital. Bukod dito, may iba’t-ibang programa pa ang Cavite para sa higit kumulang 4.5 milyong residente.

Sinabi rin ng gobernador na humigit-kumulang 100 mga paaralan ang magsasara sa Cavite dahil sa pananalasa ng Covid-19.

“Lalo pa madadagdagan ang mga mag-aaral na aasa sa DepEd system. Sa Cavite pa lamang po ito. Paano pa po ang malalayo na lalawigan at siyudad na mas menos ang kakayahan?” giit ni Remulla.

Ipepresenta raw ng pamahalaang lokal ng Cavite ang educational plan nito ngayong linggo.

Ayon naman sa DepEd, tuloy ang pag-arangkada ng pasukan sa Agosto 24 sa pamamagitan ng “blended learning” habang ipinagbabawal pa rin ang pisikal na pagdaraos ng klase.

LATEST

LATEST

TRENDING