Malacañang: ABS-CBN employees na posibleng mawalan ng trabaho, maaaring dumulog sa gobyerno

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Ang mga manggagawa ng ABS-CBN na posibleng mawalan ng trabaho dahil sa pagtanggi ng Kamara na bigyan ng panibagong prangkisa ang network ay puwede umanong humingi ng tulong mula sa pamahalaan, ayon sa Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakahanda umanong tumulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nasabing manggagawa.

Aniya, “Huwag po kayong mag-alala, kasama po ng lahat ng mga Pilipino na alam nating humaharap sa pagsubok, nandiyan po ang ating Presidente. Gagastusin po niya ang huling sentabos, centimo ng ating kaban ng bayan para sa inyong kapakanan”.

Nasa mahigit 11,000 ang bilang ng mga empleyado ng ABS-CBN at subsidiaries nito.

Noong Mayo, naunang sinabi ni ABS-CBN CEO at President Carlo Katigbak sa mga senador na posibleng “ikonsidera” ng kumpanya na i-retrench ang ilang mga mangagawa sa Agosto bunsod ng pagkalugi kung hindi makakapagbalik-operasyon ang network.

“Sigurado po ako na lahat ng mawawalan ng trabaho sa ABS-CBN ay pupuwede din pong kumuha ng benepisyong binibigay natin sa lahat din ng nawawalan ng trabaho,” ani Roque.

Sinabi ng pamahalaan na mahigit 7 milyong Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa epekto ng Covid-19 pandemic sa ekonomiya.

Sa botong 70-11, tinanggihan ng Committee on Legislative Franchises ng Kamara ang hiling ng ABS-CBN na mabigyan ng panibagong prangkisa, na nagresulta sa permanenteng pagpapasara ng network.

Iginiit naman ng Palasyo na “neutral” si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa isyu at sinabing igagalang ang kapasyahan ng Kongreso. Bagama’t unang nagalit si Duterte sa network dahil sa hindi pag-ere nito ng kanyang campiagn ads noon, pinatawad na niya aniya ito.

Gayunpaman, tinuligsa ni Senador Francis Pangilinan ang pahayag ni Roque tungkol sa pagiging “neutral” umano ni Duterte.

“Ipaliwanag niya (Roque) yang mga argumento na yan sa 11,000 na mga manggagawa ng stasyon at mga asawa at anak nito na tinanggalan nila ng trabaho sa gitna ng kalamidad,” giit ng senador.

Pumalo sa 17.7 porsyento ang unemployment rate noong Abril o katumbas ng 7.3 milyong Pilipinong nawalan ng hanapbuhay dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic.

Ayon sa mga ekonomista, asahan umano na madaragdagan pa ang bilang ng mga mawawalan ng trabaho habang nananatili ang Covid-19 krisis.

LATEST

LATEST

TRENDING