Maynila, bumili ng 3 Covid-19 machines na makakapagtest ng 16,800 kada linggo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Larawan mula sa: Inquirer

Inanunsyo ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso noong Hulyo 11 na bumili ng tatlong Covid-19 testing machines ang Lungsod ng Maynila.

Ang naturang mga machines ay may kapabilidad na makapagtest ng aabot sa 16,800 na mga residente sa isang linggo.

Ayon kay Yorme, mga doktor, nars, at iba pang health workers ang mauunang itest sa mga serology testing machines mula Abbott. May accuracy rate na 99.6 porsyento ang mga nasabing testing machines batay sa pahayag ng Abbott.

Gayunpaman, mandatoryo pa rin ang confirmatory swab tests alinsunod sa mga itinakdang public health protocols.

Katulad ng rapid test kits, ang Abbott serology testing machines ay gumagamit din ng dugo bilang sample sa pagtest sa Covid-19.

Sinabi naman ni Domagoso na ang Lungsod ng Maynila ang kauna-unahang lokal na pamahalaan na bumili ng ganitong mga serology testing machines.

“Makakapag-test ang mga ito ng 50 samples per hour. Uunahin natin ang lahat ng doctor, nurse, mga healthcare workers, starting with Ospital ng Maynila, para mapanatag sila,” ani Yorme.

Dagdag pa niya. “Kung kaya nito mag-50 per hour sa 16-hour shift ng ating mga medtech, makakagawa na ng 16,800 per week ang tatlo nating machines”.

Ang mga testing machines ay ilalagay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Sampaloc at Ospital ng Maynila.

Binanggit ng alkalde na nabili ng city government ang mga machines sa halagang P6 milyon bawat isa. Itinuring naman niya ito bilang “long-term investment” para sa lungsod.

Bukod sa Covid-19, makatutulong din ang mga nabiling makina sa pag-detect ng cancer, hepatitis, thyroid diseases at iba pang mga nakakahawang sakit.

Batay sa datos noong Huylo 10, nakapagsagawa na ng 158,520 rapid tests at 16,137 swab tests ang Lungsod ng Maynila.

LATEST

LATEST

TRENDING