Kinuwestyon nina Supreme Court Associate Justices Marvic Leonen at Alfredo Benjamin Caguioa ang kapasyahan ng Korte Suprema sa pagbabasura sa petisyon ng isang abogadong si Dino de Leon tungkol sa pagbubunyag sa estado ng kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagsulat ang dalawang mahistrado ng 30-pahina at 31-pahinang dissenting opinion tungkol sa kapasyahan ng Korte. Inilabas lamang ito online ngayong linggo, kasama ang hindi pirmadong majority resolution, halos dalawang buwan matapos ibasura ang petisyong inihain ni De Leon noong Mayo 8.
Ayon kay Leonen, ang agarang pagbabasura sa petitsyon ni De Leon ay “taliwas sa kalayaan” ng Mataas na Hukuman, habang iginiit naman ni Caguioa na ang majority decision ay may karampatang epekto sa pananaw ng tao ukol sa pagiging malaya ng Korte Suprema.
Ang petition for mandamus na inihain ni De Leon noong Abril 13 ay “test case” sana para sa probisyon ng Saligang Batas (Artikulo 7, Seksyon 12) na nagsasabing: “Sakaling magkasakit nang malubha ang Pangulo, dapat ipabatid sa taong-bayan ang kalagayan ng kanyang kalusugan”.
Idinahilan ni De Leon ang madalas na pagiging absent ng pangulo mula sa mata ng publiko bilang argumento na may iniinda itong karamdaman. Binanggit din ni De Leon ang mga naging pahayag ng pangulo na meron itong Buerger’s disease, Barrett’s esophagus, gastroesophageal reflux disease or GERD, at myasthenia gravis, bukod sa migraine at pananakit ng spine.
Agad namang ibinasura ang petisyon ni De Leon. Ang mga pinangalanang respondents – si Duterte at ang Office of the President ay hindi naman pinagkomento.
Sinabi ng Korte na ang madalas na pagpapakita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng publiko sa nakalipas na mga buwan at patunay na wala siyang seryosong karamdaman.
Sa kanyang dissenting opinion, binanatan ni Justice Caguioa ang kanyang mga kapwa mahistrado sa hakbang na “nagpapahiwatig ng kaugaliang pag-ayon sa nakaupong pangulo” umano.
Dumaing si Caguioa sa pagdeklara sa petisyon bilang “moot” dahil lamang ipinahayag na ni Duterte ang kanyang mga karamdaman sa publiko. Iginiit niyang ang pananalasa ng Covid-19 pandemic ay hindi dapat magsilbing dahilan para hindi kwestyunin si Duterte.
Sa kanya naman, 30-pahinang opinyon, ipinahayag ni Leonen na ang hindi pag-require sa gobyernong magkomento tungkol sa isyu ay taliwas umano sa pagiging malaya ng Korte at pagiging haligi ng mga karapatan ng taumbayan.
Ayon sa mahistrado, tila nagbigay pa ng mga argumento ang karamihan ng mga mahistrado para sa benepisyo ng pamahalaan.
Samantala, nagbabalak naman si De Leon na maghain ng motion for reconsideration para iapela ang kapasyahan ng Mataas na Hukuman.