Pinanatili ng Malacañang ang tindig nitong pagdistansya sa usapin ng renewal sa prangkisa ng ABS-CBN.
Ayon sa inilabas na pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “The decision of the House of Representatives Committee on Legislative Franchises denying the franchise application of ABS-CBN Corporation is a sole prerogative of Congress that we in the Executive recognize (Ang desisyon ng Committe on Legislative Franchise ng Mababang Kapulungan sa pagtanggi sa franchise application ng ABS-CBN ay diskresyon ng Kongreso na kinikilala ng ehekutibo)”.
Dagdag pa nito, “The Palace has maintained a neutral stance on the issue as it respects the separation of powers between the two co-equal branches government (Nanatiling neutral ang Palasyo sa usaping ito sapagkat iginagalang nito ang separasyon ng mga kapangyarihan sa dalawang co-equal na sangay ng gobyerno)”.
Sa botong 70-11, tinanggihan ng Committee on Legislative Franchises ng Kamara ang hiling ng ABS-CBN Corp. na mabigyan ng panibagong prangkisa, na nagresulta sa permanenteng pagpapasara ng network.
Sa pagwawakas ng prangkisa ng ABS-CBN noong Mayo 4, naghain ng cease-and-desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) laban sa network para sa tuluyan nitong pagtitigil-operasyon.
Ito ay taliwas sa nakagawian ng NTC na pagpapahintulot sa ibang media networks na manatili sa ere habang ginagawa ang pagdninig para sa panibagong prangkisa.
Nanatiling nakabinbin ang mga bagong bills para sa franchise renewal ng network sa Kamara simula noon pang 2014, at hindi umusad hanggang sa umalingawngaw na ang usapin bunsod ng pagpapasara ng NTC sa ABS-CBN.
Paglilinaw naman ng Malacañang, “Much as we want to work with the aforesaid media network, we have to abide by the resolution of the House committee (Bagama’t nais naming makatrabaho ang nasabing media network, kinakailangan naming sumunod sa inilabas na resolusyon ng komite sa Kamara)”.