Mga nagbalangkas ng 1987 Constitution, kinuwestyon ang Anti-terror law sa SC

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: The Philippine STAR

Dalawa sa nagbalangkas ng 1987 Constitution ang kabilang sa ika-anim na batch ng mga petitioners na kumuwestyon sa Korte Suprema tungkol sa konstitusyonalidad ng kapapasa lamang na Anti-Terrorism Act of 2020.

Sina Christian Monsod at Felicitas Arroyo, na parehong miyembro ng 1986 Constitutional Commission na nagsulat ng 1987 Constitution, ay sinamahan ng mga propesor mula Ateneo at Xavier University, at ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) sa kanilang petisyon sa Korte Suprema.

Sa naturang petisyon, nakapokus ang dalawang framers sa malawak na depenisyon ng terorismo sa bagong batas na maaari umanong makasagasa sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag at pagtitipon.

Idiniin nilang hindi katulad ng naunang Human Security Act of 2007 na may partikular na mga krimeng tinukoy para ituring na terorismo, wala umano ito sa bagong batas. Nakalagay lamang aniya ang salitang “acts” subalit hindi tinukoy kung anu-anong mga “acts” ang kwalipikado bilang terorismo.

Idinagdag din ng mga ito na ang depenisyon ng terorismo ay lumikha ng pangalawang kategorya, o iyong mga kabilang sa advocacy, pag protesta, stoppage of work, industrial o mass action, at iba pang kaparehong pamamaraan ng paggamit ng mga karapatan.

Ang napakalawak na depenisyon aniya ng terorismo ay maaaring magdulot ng “chilling effect” o epektong magpapatahimik sa isang tao dahil hindi nito alam kung ano ang maaari niyang sabihin o hindi.

Giit ng framers, “To be sure, terrorism and criminality are both abhorrent and must be deterred. However, the same cannot be done without clear standards and limitations which safeguard the exercise of civil and political rights, lest rogue government forces are given the discretion to halt even these exercises, in the guise of fighting criminality (Dapat pigilan ang terorismo at kriminalidad. Subalit, hindi ito puwedeng pigilan habang nababalewala ang ating mga karapatan, sapagkat maaari itong gawing dahilan ng pamahalaan para makapagsagawa ng pang-aabuso)”.

Tinuligsa rin ng mga ito ang paglikha umano ng “super-body” sa Anti-Terrorism Council (ATC) kung saan may malawak na kapangyarihan itong magtukoy kung sino ang ituturing bilang terorista at pahintulutan ang kanilang detention nang aabot sa 24 na araw batay lamang sa pagsususpetsa.

Ito ay tahasang paglabag di umano sa kaparaanan ng batas dahil walang pagdinig na ibinibigay sa mga akusado at walang proteksyon na magpapahintulot sa kanilang kwestyunin ang kapasyahan ng ATC.

Labag din daw ito sa probisyon ng Saligang Batas na nagpoprotekta sa mga mamayan laban sa hindi rasonableng pagdakip o paghalughog, kasama rin ang probisyon na nagsasabing hanggang tatlong araw lang ang maaaring itagal na detention ng isang nang walang ipinapataw na kaso.

LATEST

LATEST

TRENDING