Sa patuloy na pananalasa ng Covid-19 pandemic sa bansa, nakiusap si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Pilipino na makipagtulungan sa administrasyon para makamit ang isang “mas maayos at mas maunlad” na Pilipinas.
“As we look to the future with much hope and positivity, let us continue to work together to build a better and more prosperous Philippines, and for ourselves and the next generation of Filipinos (Habang patungo tayo sa hinaharap bitbit ang pag-asa, panatilihin natin ang pagkakaisa sa pagtatag ng mas maayos at maunlad na Pilipinas, para sa atin at sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino),” wika ni Duterte sa isang video message na kabahagi ng kanyang pre-SONA fora.
Bagama’t patuloy ang hamon sa bawat Pilipino dahil sa paglaganap ng pandemiya, nananatiling positibo naman ang pananaw ni Duterte na mapapagtagumpayan din ng bansa ang laban nito kontra Covid-19.
Iginiit ng pangulo na pagkakaisa at pagkakapit-bisig ang susi upang magwagi sa laban kontra Covid-19.
“Numerous trials have tested our resolve these past few years but we always emerge victorious because of our unity and bayanihan as a people (Napakaraming pagsubok na ang ating kinaharap subalit tayo ay palaging nagwawagi dahil sa ating pagkakaisa at bayanihan bilang tao),” ani Duterte.
Tiniyak ng pangulo na gagawin ng pamahalaan ang lahat para magkaroon ng “tunay at pangmatagalang” pagbabago sa bansa.
Samantala, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na layunin ng pre-SONA forum na ipinta ang malinaw na larawan para sa taumbayan patungkol sa iba’t-ibang plano ng pamahalaan upang mapabuti ang buhay ng bawat mamamayan.
Iginiit ni Nograles na magiging transparent ang kasalukuyang administrasyon sa paglalabas ng datos, at iba pang mga detalye hinggil sa ginagawang mga hakbang sa pagresponde sa Covid-19 pandemic.
Binanggit ni Nograles na naglatag na ang pamahalaan ng iba’t-ibang plano para sa muling pagbangon ng bansa mula sa epekto ng pandemiya.
Aniya, “The President and your government have long laid the groundwork for the economic recovery of the country. And the government [is] doing what is needed to respond to the Covid-19 pandemic, particularly in the continued implementation of its various programs and projects (Ang pangulo at ang iyong pamahalaan ay naglatag na ng pundasyon para sa pagbangon ng ekonomiya. At ginagawa nito ang lahat upang tugunan ang pagresponde sa Covid-19 pandemic sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng iba’t-ibang programa at proyekto)”.
Inilahad nina Finance Secretary Carlos Dominguez III at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno ang ulat ng Economic Development Cluster (EDC) sa unang pre-SONA forum. Ibinahagi naman ni Public Works Secretary Mark Villar ang ulat tungkol sa Infrastructure Cluster (IC).
“Patuloy pa rin ang pagbibigay ng lubos na atensyon, pondo at panahon sa mga programang kailangan upang maitaas ang kalidad ng buhay ng lahat ng ating mga kababayan,” wika ng Cabinet Secretary.