DOST: Bakuna kontra Covid-19, posibleng ibigay sa bansa nang libre

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Ang partispasyon ng bansa sa World Health Organization (WHO) Solidarity Trial para sa pagdevelop ng bakuna kontra Covid-19 ay hindi lamang aniya makatitiyak ng suplay nito para bansa, posible rin umanong ibigay ito nang libre, ayon sa opisyal ng Department of Science and Technology (DOST).

“Unang-una, tayo po ay nag-commit na sa Solidarity Trial na gagawin ng WHO (World Health Organization). So,sa pagkakaalam po namin, ang bakuna ay malamang ibibigay nang walang bayad, wika ni DOST-Philippine Council for Health Research and Development executive director Dr. Jaime Montoya noong Hulyo 8 sa isang briefing.

Ipinaliwanag din nitong ang iba pang gastusin sa pagbibigay ng bakuka sa mga komunidad ay dapat sagutin ng DOST at ng Department of Health (DOH).

Isa ang Pilipinas sa mga kalahok na bansa sa pandaigdigang global clinical trial na naglalayong magtuklas ng bakunang panlaban sa Covid-19.

Ayon kay Montoya, ang pagsali ng bansa sa trial ay makatitiyak ng access para sa bakuna gayundin ang pagkakaroon ng mas mabilis na pagpaparehistro sa Food and Drug Administration (FDA).

Samantala, sa parehong briefing, sinabi naman ng propesor mula the University of the Philippines – Manila na si Dr. Nina Gloriani, na walong kandidatong bakuna ang titignang may potensyal kontra Covid-19.

Kabilang umano dito ang mga bakunang dini-develop ng mga kumpanya sa United Kingdom, Estados Unidos, China, at India.

“Kasama po dyan sa walo na ‘yan ‘yung kino-consider natin na syang it-test sa Pilipinas. Ito ‘yung dalawa sa China na na-mention kanina na in-approve ng IATF,” ani Gloriani.

Naunang inaprubahan ng Inter-agency Task Force for COVID-19 ang pakikipagkooperasyon ng bansa sa limang vaccine developers sa pamamagitan ng paglahok sa vaccine trials. Ang mga ito ay ang Chinese Academy of Science – Guangzhou Institute of Biomedicine and Health, Wuhan Institute at Beijing Biologicals Institute ng SinoPharm, at Sinovac – Biotech Ltd.

Ibinalita naman ni Montoya na mag-uumpisa sa mga susunod na araw ang clinical trials para sa paggamit ng melatonin bilang supplementary treatment para sa Covid-19 patients.

Ayon kay Montoya, isinasapinal na lamang ng DOST ang preparasyon ng site sa Manila Doctors Hospital, at sa dalawa hanggang tatlo pang mga ospital sa Kalakhang Maynila at Lungsod ng Cebu.

Kasalukuyan ding isinasagawa ang trials sa posibleng benepisyong hatid ng virgin coconut oil (VCO) para sa mga pasyenteng may katamtamang sintomas ng Covid-19.

Para naman sa trial ng traditional herbal medicine na tawa-tawa, sinabi ni Montoya na hihintay na lamang ng ahensya ang kapasyahan ng Single Joint Research Ethics Board.

LATEST

LATEST

TRENDING