Tinamaan ng nakamamatay na Covid-19 ang intensive care nurse na si “Vanessa” habang nagtatrabaho sa isang ospital sa Lungsod ng Cebu.
Ayon sa kanya, sumagi sa kanyang isipan ang magbitiw sa trabaho dahil sa matinding pagod at mababang pasahod na nasa P15,000 lamang.
Dagdag pa niya, maliit din lamang ang ibinibigay na hazard pay sa kanila. Patuloy namang nalalagay sa peligro ang kanilang kalusugan dahil sa kakulangan ng personal protective equipment (PPE).
Bilang pagtugon, napagpasyahan ng pamahalaang lokal ng Cebu City na mamahagi ng P10,000 incentive sa bawat health worker sa lungsod na tutugon sa laban kontra Covid-19 katuwang ang LGU. Ito rin ay upang mapigilan ang pagtigil-trabaho ng mga nars at iba pang health workers habang nasa kalagitnaan ng pandemiya.
Gayunpaman, hindi pa raw ito sapat ayon naman sa Philippine Nurses Association sa Cebu.
“I just hope it’s not going to be at the P15,000 and it should be given to all the nurses, not only a selective few (Sana hindi ito sa P15,000, at dapat itong ibigay sa lahat ng nars at hindi lang sa iilan),” ani PNA Cebu President Joseph Descallar.
Samantala, pag-aaralan pa umano ni Visayas overseer Environment Secretary Roy Cimatu kung paano lulutasin ang suliraning ito.
Matindi aniya ang kinakaharap na problema ng lungsod dahil bukod sa puno na ang mga ospital, nasa 86.6 porsyento na aniya ang critical care capacity ng mga ospital sa lugar.
Wika ni Cimatu, “We are answering the call of the president and the Department of Health to raise the number of beds (Tinutugunan natin ang panawagan ng pangulo at DOH na taasan ang bilang ng mga higaan)”.
Pumalo na sa mahigit 13,000 ang active cases sa Lungsod ng Cebu. Sa bilang na ito, 1,711 ay nasa mga ospital habang 2,190 naman ay nasa isolation facilities.