Inabisuhan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang mahigit 11,000 na mga manggagawa ng ABS-CBN na maghanap na lang ng ibang trabaho sakaling hindi aprubahan ng Kamara ang panibagong prangkisa ng network.
Aniya, “Hanap ng ibang trabaho para mabuhay, magsumikap, may ibang paraan pa naman siguro para mabuhay tayo. Hanap ng ibang jobs”.
“Alangan namang sabihin ko sa kanila na maghimagsik kayo, magwala kayo, hindi naman pwede yun. Hanap na lang kayo ng ibang trabaho para mabuhay ang pamilya ninyo,” dagdag pa ng senador.
Nakatakdang pagbotohan ng mga mambabatas kung aaprubahan o tatanggihan ang hiling ng ABS-CBN para sa panibagong 25-taon na prangkisa.
Nang tanungin naman ang senador kung may mahalagang epekto ang pagtanggi sa renewal ng ABS-CBN franchise, sinabi nitong wala.
“Wala akong nakikitang epekto. Epekto? Hindi naman ako apektado dahil hindi naman ako [taga-]ABS-CBN. Yung taga-ABS-CBN ang apektado,” ani dela Rosa.
Dagdag pa niya, “Ako, wala akong nakikitang epekto dahil kung sabihin niyo mawalan din ng news, meron naman din yung ibang mga ibang news outfits na nagpe-perform. So, wala akong nakitang epekto, sa akin. Sa buong community as a whole, wala rin akong nakikita”.
Kung aaprubahan ng House franchise committee ang hiling ng ABS-CBN, sasailalim ito sa plenary deliberations. Kung tatanggihan naman ito ng mga mambabatas, nangangahulugan itong permanente nang mawawala ang broadcasting service ng ABS-CBN hangga’t muling talakayin at aprubahan ito ng mga mambabatas sa hinaharap.
Ipinahayag naman ni Agusan Del Norte Rep. Lawrence Fortun na ang boto laban sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN ay isang boto aniya laban sa malayang pamamahayag, access sa impormasyon, at preserbasyon ng hanapbuhay.