Mananatili ang Lungsod ng Cebu sa enhanced community quarantine (ECQ), ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Sa ginanap na briefing lagpas hatinggabi noong Hulyo 8, binanggit din ni Duque ang mga lugar na sasailalim sa general community quarantine (GCQ).
Ang mga ito ay ang Metro Manila, Benguet, Cavite, Rizal, Leyte, Ormoc, Southern Leyte. Kabilang din dito ang ilang lokalidad sa lalawigan ng Cebu katulad ng Lapu-lapu City, Mandaue City, Talisay, Minglanilla, at Consolacion.
“Mayroong malaking pagtaas ng bagong kaso ng COVID-19 at noong nagpasya ang [Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases] at inarubahan nyo, ang case doubling time ng Cebu, napakamaiksi ang panahon ,” ani Duque nang tanungin ni Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit nasa ECQ pa rin ang Lungsod ng Cebu.
“Below 7 that puts them at high risk (Mababa sa 7 kaya maituturing silang high risk),” wika ni Duque tungkol sa case-doubling time ng lungsod.
Ayon sa kalihim, nasagad na o “overwhelmed” ang healthcare system ng Cebu City.
Samantala, iginiit naman ni Duterte na ipinagkibit-balikat lamang umano ng mga residente ng Cebu City ang mga kritikal na araw ng pandemiya.
Aniya, “Ang nahalata ko kaso sa Cebu, nonchalant (kampante) sila during the critical days sa pag-putok nito. People were partying, gambling outside of their houses in Talisay… basta para sa kanila baliwala”.
“And sabi ko nga kayong mga Cebuano, ‘wag kayong magalit sa akin… I am a Cebuano and I have every reason to be concerned about the welfare of the province of my father,” dagdag pa ng pangulo.