Hindi pa raw kaya ng Pilipinas na buksan nang tuluyan ang ekonomiya nito katulad ng ibang bansa bunsod ng Covid-19 pandemic, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 7.
Aniya, “We have to be very circumspect in reopening of the economy (Dapat panatilihin ang ibayong pag-iingat sa muling pagbubukas ng eknomiya). Dahan-dahan lang”.
Ayon sa pangulo, baka magdulot lamang ng kapahamakan ang tuluyang pagbubukas ng ekonomiya sa ngayon.
“Mahirap tayo, hindi tayo puwedeng sumugal. I cannot follow the example of other countries (Hindi tayo maaaring sumunod sa yapak ng ibang bansa),” wika ni Duterte.
Dagdag pa niya, “Because if you open the entire Philippines and thousands upon thousands of new cases would happen, then we are in deep s*** (Sapagkat kung bubuksan mo ang buong bansa at libu-libo ang pagtaas ng kaso, hindi ito magandang pangitain)”.
Nagbabala ang pangulo na baka magdusa lamang ang mga Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kaso ng Covid-19 dahil wala umanong pera ang pamahalaan.
“Talagang mahirapan tayo. Unang-una wala tayong pera,” ani Duterte.
Batay sa datos noong Hulyo 7, nasa 47, 873 na ang mga kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa bansa, kabilang ang 12,386 recoveries at 1,309 deaths.
Idiniin ni Duterte na nagkaroon ng pag-akyat sa bilang nga Covid-19 cases sa ibang mga bansang nagpasyang buksan ang kani-kanilang mga ekonomiya habang nasa kasagsagan ng pandemiya.
“Now what really happened in these countries was that although they opened their economy for money to come in to the government coffers, ang nangyari is there was a spike (Bagama’t nagbukas ng ekonomiya ang ibang bansa, nagkaroon naman ng spike). They were having a problem with almost a relapse in the totality of the number (Nagkaroon sila ng problema sa bilang ng mga kaso). Iyon ang mahirap,” paliwanag ni Duterte.
Gayunpaman, maraming mga industriya na ang pinahintulutang magbalik-operasyon sa pagpapagaan ng quarantine at health protocols sa bansa.
Ayon sa pangulo, ibinatay niya ang kanyang pagdedesisyon nang naaayon sa “purong agham”.