Meralco, humingi ng tawad sa nakakalitong electricity bills

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Jonathan Cellona (ABS-CBN News)

Humingi ng paumanhin sa publiko ang Manila Electric Co. (Meralco) noong Hulyo 6 para sa “patuloy na abala” tungkol sa nakakalitong electricity bills para sa mga buwang sakop ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon sa kumpanya, nagkaroon sila ng pagkukulang sa pagbibigay linaw kung saang bahagi ng bills ang nakabatay sa actual meter reading at saang bahagi naman ang nakabase sa estimasyon, wika ni Meralco President at Chief Executive Officer (CEO) Ray Espinosa sa Senate Committee on Energy.

I believe there has been basically a failure on our part to clarify to our customers what is actual and what is estimated. For that I wish to apologize to you and to all similarly situated customers (Nagkaroon na pagkukulang mula sa amin sa paglilinaw sa mga konsumer kung ano ang aktwal at kung ano ang estimasyon. Dahil dito, humihingi ako ng tawad sa lahat ng mga konsumer),” ani Espinosa.

Dagdag pa niya, “I believe it is necessary now for Meralco to send each of our customers a separate clarificatory letter to show the reading in February, in May or in June and explain to them clearly (Nararapat para sa Meralco na magpadala ng clarificatory letter sa bawat konsumer para linawin ang reading noong Pebrero, Mayo, o Hunyo)”.

Naunang ipinahayag ng Meralco na ang mga bills para sa Marso at Abril ay ibinase sa estimasyon sapagkat hindi pinayagan ang actual meter readings sa kasagsagan ng ECQ.

Ayon naman sa Energy Regulatory Commission (ERC), marami umanong reklamong natanggap ang ahensya mula sa mga konsumer na nabigla sa biglang paglobo ng kani-kanilang mga bayarin pagkatapos ng ECQ.

Kahit sina Senate Committee on Energy Sen. Sherwin Gatchalian at Sen. Francis Tolentino ay nagpahayag ng agam-agam tungkol sa pangyayaring ito at iginiit na hindi nila maunawaan kung bakit libu-libo ang sinisingil sa kanilang mga properties ngayong indi naman nila aniya gaaanong nabisita ang mga ito noong lockdown.

The utilities are also imbued with public service and public trust (Serbisyo publiko ring maituturing ang utilities at pinanghahawakan nito ang tiwala ng publiko) kasi kung ano ‘yung binibigay ninyo sa amin, binabayaran namin,” ani Gatchalian.

Dagdag pa ng senador, “We cannot just blindly trust Meralco (Hindi kami basta-basta magtitiwala na lang sa Meralco). It was proven now na magulo talaga ‘yung bill because of the estimate”.

Wika naman niya kay Espinosa, “I am just one consumer but we are also talking about 6.5 million Meralco consumers. You really need to sit down and validate one by one (Isa lamang ako sa 6.5 milyong konsumer ng Meralco. Kailangan mong umupo at i-validate isa-isa).”

Idiniin naman ni Espinosa na iwawasto ng kumpanya ang mga pahayag at magpapadala rin umano ng mga abiso para sa mga konsumer. Sinabi rin nito na itatama nila ang electricity bills sa loob ng 30 na araw.  

We will double and triple our efforts to actually hire more call center agents to respond to emails and other issues raised on our various social media channels (Dodoblehin at titriplehin namin ang pagkuha ng karagdagang call center agents para rumesponde sa mga emails at sa iba pang mga isyung ipinadala sa aming social media channels),” ani Espinosa.

Magkakaroon din aniya ng training para sa mga ahente ng third party payment centers para tugunan ang mga frequently asked questions (FAQs) tungkol sa mga naturang Meralco bills.

Tinanggap naman ni Gatchailan ang paghingi ng tawad ni Espinosa at sinabing, “Your apology goes a long way but we expect corrections for the benefit of our consumers (Malayo ang mararating ng paghingi mo ng tawad subalit umaasa kami sa mga pagwawastong gagawin ninyo para sa mga konsumer)… para ma-reduce ‘yung kanilang stress at anxiety dahil nawalan ka na nga ng trabaho, nagkukumahog ka pa magbayad ng bills”.

Noong nakaraang buwan, sinabi ng Meralco na magpapadala ito ng mga bagong bill para tugunan ang naranasang “bill shock” na nagdulot ng sangkaterbang reklamo laban sa kumpanya.

LATEST

LATEST

TRENDING