Coronavirus, airborne na ayon sa mga siyentipiko

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Mark Demayo (ABS-CBN News)

Maaaring manatili sa ere ng ilang oras ang coronavirus at makapanghawa sa pamamagitan ng pagkalanghap, ayon sa bagong ebidensiya ng mga siyentipiko.

Mataas aniya ang banta sa mga matataong closed na lugar na walang bentilasyon, at posibleng ito ang dahilan kung bakit naiuulat ang pagtaas ng mga kaso sa meatpacking plants, simbahan at mga restawran.

Gayunpaman, hindi pa rin malinaw kung paano naililipat ang coronavirus sa pamamagitan ng maliliit na droplets o aerosols, kumpara sa mas malalaking droplets na inilalabas sa tuwing uubo o babahing ang isang tao o di kaya ay hahawakan ang mga kontaminadong mga bagay, ayon kay Linsey Marr, isang aerosol expert sa Virginia Tech.

Dagdag pa ni Marr at iba pang mahigit 200 na eksperto, nailalabas ang aerosols kahit mula sa taong walang sintomas sa tuwing siya ay hihinga, magsasalita, o kakanta.

Ang malinaw umano, ay dapat bawasan ng mga tao ang pananatili sa mga closed na lugar na kasama ang ibang tao maliban sa pamilya.

Kinakailangan din aniya ang paglalagay ng mga epektibong air filters at ultraviolet lights sa mga eskwelahan, nursing homes, at mga establishimento para mapatay ang airborne viruses.

Narito ang ilang kasagutan sa mga tanong na alinsunod sa bagong pag-aaral.

Ano ang ibig sabihin ng airborne virus?

Para maging airborne ang isang virus, nangangahulugan ito na maaari itong maitangay ng hangin. Sa kaso ng coronavirus, nagkasundo ang mga eksperto na posibleng manatili ito sa ere nang tatlong oras at makapaglakbay sa distansya ng isang silid.

Dapat bang itigil ang physical distancing at paghuhugas ng kamay? 

Mahalaga pa rin ang physical distancing. Kapag mas malapit sa isang infected na tao, mas malaki ang tsansa at exposure sa mga aerosols at droplets. Makatutulong pa din ang madalas na paghuhugas ng kamay.

Gayunpaman, baka hindi sapat ang dalawang ito. Ayon kay Marr, “We should be placing as much emphasis on masks and ventilation as we do with hand washing (Dapat pagtuunan ng pansin ang pagsusuot ng masks at bentilasyon katulad ng pagpapahalaga sa hand washing)”.

Dapat bang magsuot ng hospital-grade mask sa closed na lugar? Gaano katagal dapat manatili sa closed na lugar?

Dapat magsuot ng N95 masks ang mga health workers sapagkat nakakapag-filter ito ng karamihang aerosols. Sa kasalukuyan, pinapayuhan lamang sila na magsuot nito kung magsasagawa ng medical procedures na makakagawa ng aerosols.

Para sa iba, sapat na ang cloth face masks basta magsusuot ang karamihan ng tao. Makatutulong umano ang pagsuot nito sa tuwing lalabas ng bahay o magpupunta sa ibang indoor spaces.

Ano ang maaari kong gawin para mabawasan ang tsansa ng pagkahawa?

Mas makabubuti ang pananatili sa labas kumpara sa kulob na lugar. Subalit, dapat pa ring panatilihin ang pagsusuot ng face masks lalo na kung mananatili nang matagal at kung malapit sa ibang mga tao.

Ayon kay Marr, kapag nasa loob ng closed na lugar, isa sa mga puwedeng gawin ng mga tao ay buksan ang mga bintana at pintuan hangga’t maaari. 

Hinihikayat din ang public buildings at mga establishimento na maglagay ng air purifiers at ultraviolet lights na puwedeng makapatay sa virus.

Bawasan din aniya ang pananatili sa indoor space, lalo na kung walang suot na mask. Mas malaki ang tsansang malalanghap ang virus kung mas matagal na mananatili sa loob.

LATEST

LATEST