Naitala ng Pilipinas ang pinakamataas na pag-akyat sa bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa isang araw noong Linggo, Hulyo 5, sa 2,434 cases, ayon sa Department of Health (DOH).
Ito ay mas mataas sa naunang pinakamataas na tala na 1,531 cases, dalawang araw lamang ang nakalilipas.
Ang kabuuang bilang ng mga kaso sa bansa ay pumalo na sa 44,254, kabilang ang 1,147 “fresh” cases at 1,287 “late” cases.
“As the country continues to ease community quarantine measures, the rise in the number of cases may be attributed to the increased contact among the population (Ang pagpapaluwag ng bansa sa mga panuntunan ng community quarantine ang maaaring dahilan sa pag-akyat ng mga kaso dahil sa pagdalas ng iteraksyon sa populasyon),” pahayag ng DOH.
Ang huling case bulletin na inilabas ng ahensya ay nagpapakita na 1,069 sa mga panibagong mga kaso ay naitala sa Metro Manila. 602 naman dito ay nagmula sa Central Visayas, 756 mula sa ibang rehiyon ng bansa, at ang natitirang pito ay mula sa nagsipag-uwiang overseas Filipinos kamakailan.
Samantala, naitala rin ng DOH ang pinakamataas na bilang ng recoveries sa isang araw na 489. Nasa 11,942 na ang kabuuang bilang ng mga gumagaling sa nakamamatay na sakit.
Pito naman ang mga bagong naidagdag sa mga nasawi para sa kabuuang 1,297.
Sa ngayon, may 29,087 active cases ng Covid-19 sa bansa at 94.3% ang itinuturing na mild. 5.1% ay asymptomatic, 0.5% ang severe, at 0.1% ang kritikal.
Umabot naman sa 6,091 ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong Covid-19 patients sa ibang bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Sa mabilis na pag-akyat sa bilang ng mga nagpopositibo sa nakamamatay na Covid-19, muling nagpaalala ang DOH sa publiko na mariing sundin ang health protocols at iba pang mga hakbang kontra Covid-19.
Umapela rin ang kagawaran sa mga establishimento na mag-implementa ng minimum health standards at agarang ipagbigay-alam sa kinauukulan ang mga nagpositibo na kanilang mga empleyado.