Palasyo: Ekonomiya, dapat buksan bagama’t tumataas ang Covid-19 cases

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesman Harry Roque

Bagama’t patuloy ang pag-akyat sa bilang ng mga kaso ng Covid-19, wala umanong alternatibo ang bansa kundi buksan ang ekonomiya, ayon sa Malacañang.

Ito ay matapos maitala ang pinakamataas na bilang sa pag-akyat ng Covid-19 cases sa isang araw noong Hulyo 5 sa 2,434 cases, para sa kabuuang 44,254  na mga kaso ng Covid-19 sa bansa.

“Tingin ko po, wala po talaga tayong alternatibo kundi magbukas ng ekonomiya,” ani Presidential Spokesman Harry Roque.

Dagdag pa niya, “Napakita po natin kung ano na ang naging impact ng COVID-19. Kung hindi natin mabubuksan, e baka mamaya, buhay nga tayo pero mamamatay naman tayo dahil wala tayong hanapbuhay”.

Tanging Cebu City na lamang ang nananatili sa mahigpit na lockdown alinsunod sa plano ng pamahalaan na muling buksan ang ekonomiya ng bansa lalo na sa Metro Manila at Southern Tagalog Region (Calabarzon).

Giit ni Roque, “Wala na talaga tayong alternatibo, dahil sagad na rin ang ating ekonomiya, kinakailangan na tayong maghanapbuhay lahat”.

“Pag tayo po ay bumalik sa mas striktong quarantine, baka wala na po tayong hanapbuhay na pupwedeng gawin,” dagdag pa niya.

Simula nang paluwagin ang community quarantine noong nakaraang buwan, itinuon ng pamahalaan ang atensyon nito sa muling pagpapabangon ng ekonomiyang naparalisa sa unang pagkakataon sa loob ng 22 na taon.

Noong Abril, umakyat sa 17.7 porsyento ang unemployment rate na katumbas ng 7.3 milyong Pilipinong nawalan ng hanapbuhay.

Habang kinakailangang ibangong ang ekonomiya, idiniin ni Roque na kailangan pa ring sundin ang mga health protocols sapagkat nararapat na pagbalansehin ang pagprotekta sa kalusugan ng taumbayan at pagpapanatili sa kabuhayan ng mga ito.

Aniya, “Kinakailangan na pong buksan ang ekonomiya pero patuloy pa rin po ang pag-iingat”.

LATEST

LATEST

TRENDING