Umapela sa publiko si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na bigyan ng pagkakataon ang bagong Anti-Terrorism Act of 2020.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lorenzana na kinikilala ng kanyang kagawaran ang pagsasabatas sa Anti-Terrorism Law na itunuring niyang mahalaga para sa mga awtoridad sa pagsugpo sa mga teroristang walang pagpapahalaga sa batas.
“We appeal to the public to give this law a chance and not to be swayed by misinformation and disinformation (Umaapela kami sa publiko na bigyan ng pagkakataon ang batas na ito at huwag maging biktima ng misinformation at disinformation),” ani Lorenzana habang hinikayat ang mga mamamayan na “basahin at unawain” ang batas.
Ang Republic Act No. 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020 — ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 3.
Layunin nitong palitan ang Human Security Act of 2007, sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang surveillance powers sa mga awtoridad.
Isa sa mga kontrobesyal nitong probisyon ay ang pagpapahintulot sa pag-aresto at pagdetain ng mga sinususpetsahang terorista nang aabot sa 24 na araw.
Mariin itong tinutulan ng ilang netizens at mga grupo dahil umano sa hindi malinaw nitong mga probisyon na posibleng magdulot ng pag-abuso sa karapatang pantao. Maaari rin daw itong gamitin bilang sandata ng pamahalaan para patahimikin ang mga kritiko ng gobyerno.
Gayunpaman, paulit-ulit itong pinabulaanan ni Lorenzana— kabilang ng ilang mga opisyal at mambabatas— dahil protektado naman aniya ang mga kaparatan ng mga mamamayan sa ilalim ng Saligang Batas.