Isinusulong ni Senador Francis Tolentino ang pagbabalangkas ng isang palisiya na maglalayong lumikha ng isang housing program para sa mga pampublikong guro na tutulong sa kanilang makapaglipat-tirahan habang napepreserba ang kanilang ibinayad sa dating bahay.
Ang portability housing program ay magbibigay umano ng benepisyo sa mga guro na pansamantalang na-assign sa mga lokalidad na may housing projects, ayon kay Tolentino.
“Halimbawa bagong teacher ako, bumili ako ng bahay sa isang komunidad pero hindi naman ako magiging permanente doon. Dapat iyong naihulog ko, iyong amortization ko dapat ma-carry doon naman sa paglilipatan ko na permanently na lugar,” pagpapaliwanag ng senador sa isang Senate hearing kamakailan.
Dagdag pa niya, “Meaning, if you invested a certain amount in a locality as a teacher temporarily based…and later on you decide to transfer to another locality, the amounts you paid during your first five years in the temporary shelter program will be carried over to your permanent housing facility (Ibig sabihin, kung mag-invest ka ng halaga sa isang lokalidad bilang temporarily-based na guro… at kinalaunan ay mapagpasyahan mong lumipat sa ibang lokalidad, ang mga ibinayad mo sa unang limang taon sa temporary shelter program ay ipapabilang sa pagbabayad ng permanent housing facility)”.
Ayon kay Tolentino, puwedeng ipagpatuloy ng mga gurong tumitira sa mga iniwang bahay ang pagbabayad ng amortisasyon.
Sa parehong pagdinig, sinabi naman ni Home Guaranty Corporation executive vice president Jimmy Sarona na bagama’t maganda ang panukala ni Tolentino, nangangailangan ito ng masusing pag-aaral para mabusisi ang mga iniimplementa nang palisiya ng Home Development Mutual Fund o PAG-IBIG at iba pang housing agencies sa real estate mortgage at contract to sell.
Naghain din ng mungkahi ang ilang mga ahensya para sa paggawa ng pansamantalang matutuluyan sa loob ng campuses at ang pagbibigay ng housing allowance sa mga pampublikong guro.