Duterte, mag-aanunsyo sa publiko sa Hulyo 7 mula Davao City

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Nakatakdang magbigay ng anunsyo si Pangulong Rodrigo Duterte sa taumbayan sa Martes, Hulyo 7, mula sa Lungsod ng Davao, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Nakauwi muli ng Davao City si Duterte matapos makipagpulong sa mga pulis at sundalo noong nakaraang linggo tungkol sa nangyaring pagpatay ng mga pulis sa apat na Army intelligence personnel sa Jolo, Sulu.

Hindi naman umano tungkol sa bagong quarantine protocols ang inaanunsyo ni Duterte sa Martes. Gayunpaman, sinabi ni Roque na maliit ang posibilidad na ibabalik ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Kalakhang Maynila kahit na naitala noong Hulyo 5 ang pinakamataas na bilang ng pag-akyat sa Covid-19 cases sa isang araw.

“Kinakailangan nang buksan ang ekonomiya pero patuloy pa rin po ang pagiingat… Wala na tayong alternatibo dahil talagang sagad na ang ating ekonomiya, kinakailangan na tayong maghanapbuhay lahat,” ani Roque.

Subalit, nilinaw na Roque na may tsansa pa rin aniyang ibalik ang ECQ sa Kamaynilaan kung sakaling lalala ang kalagayan ng critical care capacity sa rehiyon. Aniya, ang kawalan ng critical care capacity at pagbilis sa doubling rate ng mga kaso ay magbibigay sa pamahalaan ng “walang ibang alternatibo” kundi ibalik ang mahigpit na lockdown.

Noong Hulyo 5, naitala ang pinakamataas na bilang sa pag-akyat ng Covid-19 cases sa isang araw sa 2,434, para sa kabuuang 44,254  na mga kaso ng Covid-19 sa bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING