Itinuring ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sarili bilang “disposable President” sa kanyang talumpati sa harap ng mga sundalo sa Zamboanga City noong Hulyo 3.
Ayon sa mga pangulo, wala umanong problema kung sakaling magsagawa ng kudeta ang militar at utusan siyang bumaba na sa puwesto.
“Hindi ako atat na atat maging presidente. I am a disposable president because that is this the — ‘yon dapat ang ano. Kasi kung ayaw ninyo, kung galit kayo, o ‘di tanggalin ninyo ako, mag-coup d’état kayo,” ani Duterte.
Subalit, iginiit ni Duterte na hindi kailangan ng karasahan sakaling mangyari ito.
Aniya, “Pero sa akin, hindi na kailangan magdala pa ng maski isang M16. Papuntahin mo lang ‘yang mga military commanders at pulis at sabihin nila, “Ayaw ka na namin.” Maski hindi pa ako tapos sa termino ko sabihin ko, ‘Sige, okay. No problem’”.
Matatandaang minsang binanggit ni Duterte ang pagbibitiw bilang pangulo nang hindi agad nagpasa ang Senado ng panukala para sa pagdoble ng sahod ng mga sundalo at iba pang uniformed personnel noong 2017. Ito ay dahil mas binigyang prayoridad ng mga mambabatas ang pagsasabatas sa isang tax reform law.
Wika ng pangulo, “Now, kung hindi ninyo mabigyan ang sundalo — tanungin mo ‘yan sila lahat alam nila, dito sa itaas, si Delfin ‘yan, Senator Zubiri and Senator Gordon — sinabi ko, “Kung hindi ninyo masali ang increases ng pulis pati military, I will resign. I will pack my things and go home to Davao to retire (Magreretiro ako. Mag-eempake ako at uuwi ng Davao para magretiro)”.
Ang naturang salary hike ay inaprubahan ng Senado noong Disyembre 2017 at pinirmahan kinalaunan ni Duterte sa sumunod na buwan.
Noong Biyernes, Hulyo 3, lumipad si Duterte patungong Zamboanga City upang umapela sa militar na manatiling kalmado at iwasan ang paghihiganti habang nasa kalagitnaan ng imbestigasyon tungkol sa pamamaril ng mga pulis sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
Nangako naman ang pangulo para sa isang patas na imbestigasyon para hagilapin ang katotohanan sa likod ng marahas na insidente. Inamin nitong lubos siyang nalungkot sa pangyayaring nagdulot ng hidwaan sa pagitan ng militar at pulis.
Sinabi naman ni Duterte na mananatili siyang tahimik at neutral hanggang matapos ang imbestigasyon.
Paalala naman ng pangulo sa mga sundalo, “Walang ibang presidente ng Pilipinas na lumingon para sa inyo. Totoo ‘yan. Iyon lang suweldo pati ‘yung mga equipment ninyo sa ospital pati ‘yung medisina para sa gamot.”