Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Hulyo 4 na hindi na magkakaroon ng duplicate na mga pangalan ng benepisyaryo sa pagratsada ng ikalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa pamamagitan ng mabusising proseso ng validation at deduplication, nakapaglabas umano ng malinis na listahan ng mga benepisyaryo ang kagawaran, ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao.
Aniya, “Because of the rigid scrutiny, the DSWD assured that those ineligible will not be given cash aid as well as those who received multiple assistance (Dahil sa striktong pagsisiyasat, tiniyak ng DSWD na hindi mabibigyan ang mga hindi kwalipikado at ‘yung mga nakatanggap na ng ayuda)”.
Ayon naman kay DSWD Secretary Rolando Bautista, ang masusing validation at deduplication ng ahensya ay nakapagtukoy umano ng 47, 830 duplicate beneficiaries na umabot sa halagang P458.4 milyon batay sa partial post validation monitoring report ng departamento.
Ibinunyag naman ni Dumlao na inumpisahan na nilang i-download ang SAP funds sa mga financial service providers (FSPs) para sa distribusyon ng ayuda, partikular na sa National Capital Region (NCR).
Idinagdag naman ni Dumlao na nagkaroon umano ng pakaantala sa pamamahagi mula sa ikalawang alon ng SAP sa NCR dahil kinailangan umano ang maingat na validation sa listahan ng benepisyaryo para matiyak na hindi magkakaroon ng duplication.
Noong Hunyo 30, pumirma ang DSWD ng memorandum of agreement (MOA) sa Land Bank of the Philippines (LBP) at anim na FSPs na tinukoy ng Bangko Sentral Pilipinas (BSP). Ang mga ito ay ang GCash, RCBC, Robinsons Bank, PayMaya, Starpay, at Unionbank.
Nauna namang ipinahayag ng DSWD na matatanggap ng mga benepisyaryo ang ayuda sa kani-kanilang mga restricted transactional o nominated accounts sa loob ng 24 oras matapos i-download ng LBP ang pondo ng SAP sa mga FSPs.