Robredo, nabahala at natakot sa pagsasabatas ng Anti-terror law

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Nagpahayag ng galit, pagkabahala, at takot, si Pangalawang Pangulo Leni Robredo matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte at tuluyan nang isabatas ang Anti-Terrorism Act of 2020 o Republic Act No. 11479 noong Hulyo 3.

Aniya, “Nung nalalaman ko na nilagdaan na, parang nanghina ako. Nakakalungkot, frustrating kasi ginawa ito sa kabila ng nasa gitna tayo ng matinding pandemya at ginawa ito sa kabila ng maraming pagtutol ng maraming sektor”.

Dagdag pa ni Robredo, “Ako natatakot din pero sa gitna ng takot ma-assure tayong tama ang pinaglalaban natin kasi oras na hinayaan natin na maparalisa tayo ng takot, kawawa ang mga taong umaasa sa atin”.

Bagama’t sang-ayon ang pangalawang pangulo na seryoso ang problema ng terorismo sa bansa, nabahala ito sa “timing at proseso” sa likod ng pagpasa sa kontrobersyal na batas.

Nadismaya si Robredo sa prayoridad ng pamahalaan at iginiit na dapat mas pinagtutuunan ng pansin sa ngayon ang pagtugon sa Covid-19 pandemic.

“Yung timing ginawa sa gitna ng pandemic, ‘yung manner ng pagpasa [ay] nakakabahala [na] parang something as important [as] ‘yong batas na ito, gano’n ‘yong prosesong ginawa lalo na’t may contentious provisions,” paliwanag niya.

“Pilit” umano ang pagsasabatas sa Anti-Terrorism Act of 2020 dahil kahit may oposisyon umano, pareho ang bersyon ng bill sa Senado at Mababang Kapulungan.

Iginiit din niyang may mga probisyon na labag aniya sa Saligang Batas katulad ng probisyon tungkol sa “warrantless arrest”.

“Nasa Constitution natin na ang puwedeng mag-issue ng warrant of arrest ‘yong judge, dito parang may isang council, ‘yong Anti-Terrorism Council na ang members nito ay politically appointed – sila ang puwedeng mag-determine ng probability of guilt of accused, napaka-delikado nito at politikal, in a sense, kasi kakabit ng appointing authority dito ang presidente,” pagbibigay diin ni Robredo.

Dahil dito, dapat umanong maglagay ng karampatang proteksyon para sa karapatan ng mga mamamayan.

“Sana lagyan ng mas maayos na safeguards, sana walang provision na labag sa konstitusyon [kasi] ang pinakamahalaga ang karapatan ng mamamayan,” ani Robredo.

Bagama’t may mga ‘safeguards’, hindi umano sapat ang mga ito.

Sa huli, hinikayat ng pangalawang pangulo ang publiko na maging mapagmatyag tungkol sa bagong batas dahil marami pa aniyang bagay ang kayang gawin.

Puwede umanong kwestyunin ang batas sa Korte Suprema tungkol sa mga probisyon nitong labag sa Konstitusyon. Maaari rin aniyang dumulog sa Kongreso para amyendahan ang ilang probisyon nito.

The most important thing is for us to believe that the power is still in the hands of the ordinary people, so let’s not lose hope (Ang pinakamahalagang bagay para sa atin ay maniwala na ang kapangyarihan ay nasa kamay pa rin ng ordinaryong mamayan, kaya huwag tayong mawalan ng pag-asa),” giit ni Robredo.

LATEST

LATEST

TRENDING