Mababang Kapulungan, nakahanda na sa special session para sa Bayanihan 2

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nakahanda nang magdaos ng special session ang Mababang Kapulungan para sa pagdinig ng Bayanihan to Recover As One Act o ang Bayanihan 2 na naglalayong palawigin ang emergency powers ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagresponde sa Covid-19 pandemic.

Kinilala nina Majority Leader Martin Romualdez, Deputy Speakers LRay Villafuerte at Mikee Romero at ni ways and means committee chair Joey Salceda ang panawagan ng pangulo na magpatawag ng special session para isabatas ang Bayanihan 2.

Ayon kay Romualdez, hihintay na lang nila ang kaustusan mula sa Palasyo kung kailan gaganapin ang nasabing sesyon.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na P130 bilyon lamang ang inilaan ng mga economic managers ng administrasyon para sa stimulus package.

Sa ilalim ng Bayanihan 2 o House Bill 6953, naglalayon itong maglaan ng P162 bilyong pondo para tugunan ang operasyon at pagresponde ng pamahalaan sa Covid-19 krisis – na magsisilbing karagdagan sa inilaang P275-bilyong pondo sa ilalim ng naunang Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One law na nagwakas noong Hunyo 25.

Sa ilalim ng panukalang batas, magbibigay ng P5,000 hanggang P8,000 na sabsidiya para sa mga mahihirap na pamilya, mga OFWs, at mga manggagawang no-work-no-pay tulad ng mga freelancers at self-employed na indibidwal.

Magbibigay din ang bill ng isang buwang ayuda para sa mga hindi napabilang sa implementasyon ng social amelioration program (SAP) sa ilalim ng unang Bayanihan law.

P18 bilyon ang ilalaan para sa cash-for-work program at ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD); P5 bilyong para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation Program ng Department of Social Welfare and Development; at P21 bilyon naman para sa unemployment o involuntary separation assistance para sa mga apektadong manggagawa ng health, education, tourism, culture and arts, creative industry, transportation at iba pang sektor.

Magkakaroon din ng P50 bilyong infusion ng kapital para sa mga government financial institutions; P21-bilyong suporta sa sektor ng agrikultura; P21-bilyong assistance sa sektor ng transportasyon at sa paggawa ng mga accessible sidewalks at protected bicycle lanes; P10 bilyon para pondohan ang Turismo; P3-bilyong tulong sa state universities and colleges; at P1-bilyong assistance sa Technical Education and Skills Development Authority para sa pagtatag ng mga smart campuses.

Panghuli, maglalaan din ng P12 bilyon ang panukalang batas para sa procurement ng polymerase chain reaction testing at extraction kits, supplies at materials para sa Covid-19 testing; at sa pagpapaigting sa kapasidad ng Department of Health (DOH) na makapaghatid serbisyo sa publiko.

LATEST

LATEST

TRENDING